Kadiwa Caravan ng DA, sinimulang magtinda sa matataong barangay

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Makakabili na nang mas mura at mga sariwang hilaw na produktong agrikultural ang mga Bulakenyo.

Ito ay matapos sinimulan nang maglako sa mga piling matataong mga barangay ang Kadiwa ni Ani at Kita caravan.

Ayon kay Department of Agriculture o DA Regional Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Carmencita Nogoy, binuo ito ng kagawaran upang matulungan ang mga magsasaka at mangingisda gayundin ang mga mamamayan sa barangay ngayong umiiral ang Enhanced Community Caravan.

Matapos ang barangay Mabolo sa lungsod ng Malolos ngayong linggo ay dadalhin ito sa barangay Libtong sa Meycauayan sa Abril 20.

Babalik muli sa Malolos sa barangay Balite sa Abril 21. Target ding makaabot sa barangay Mulawin sa San Jose Del Monte.

Sa sistema ng Kadiwa ni Ani at Kita caravan, nakakapagtinda nang diretso ang mga magsasaka sa mga mamimili nang hindi na dumadaan sa mga middle-man kaya’t diretso rin ang kanilang kita.

Sa panig naman aniya ng mga mamimili, mas napapamura ang kanilang mga nabibiling produktong agrikultural kaya’t mas marami ang mabibili.

Kabilang sa mga mabibili ang mga gulay na pangsahog sa mga pangunahing ulam gaya ng pang-sinigang, pang-nilaga, pang-pangat at pang-pinakbet. 

Mayroon ding mga prutas na naaani ngayong tag-araw, mga karne ng manok, isda at sugpo. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews