Grupo ng mga magsasaka, namahagi ng tulong sa gitna ng krisis sa COVID-19

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Iba’t ibang kooperatiba o samahan ng mga magsasaka ang namamahagi ng tulong sa mga kababayan sa gitna ng krisis dulot ng coronavirus disease o COVID-19.

Isa na rito ang Canaan East Rice and Onion Producers Cooperative mula sa bayan ng Rizal na namahagi ng 153 kilong karne ng baboy sa mga kapwa magsasaka at mga kasama sa komunidad. 

Ang grupo ni Teofista Mariano ng Canaan East Rice and Onion Producers Cooperative habang inihahanda ang mga karne ng baboy na ipamimigay sa mga kapwa magsasaka. (Department of Agrarian Reform- Nueva Ecija)

Ayon sa pangulo ng samahan na si Teofista Mariano, naisipan ng grupo na karne na lamang ang ipamahagi dahil karaniwan nang ipinamamahagi sa komunidad ang mga relief packs gaya ng bigas at mga de lata. 

Grocery items naman ang iginayak ng Sunshine Agricultural Cooperative mula sa bayan ng Cabiao para ipamahagi sa 84 miyembro samantalang hygiene kits, itlog at mga gulay ang ibinigay ng Lawang Kupang Farmers Agrarian Reform Beneficiaries o ARB Cooperative ng bayan ng San Antonio sa mga kabarangay kahit hindi kaanib ng samahan. 

Miryenda naman para sa mga frontline workers ang inihandog ng Panabingan ARB Cooperative samantalang namahagi din ng relief packs ang Biyayang Handog ARB Cooperative sa mga miyembrong magsasaka na parehong mula sa bayan ng San Antonio. 

303 pamilya naman ang nabiyayaan sa ipinagkaloob na food packs ng ARBO Villabar Primary Multi-Purpose Cooperative sa bayan ng Llanera. 

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I Jocelyn Ramones, binibigyang halaga ang mga ganitong gawain ng mga samahang tumutulong sa abot ng makakaya para sa mga nangangailangang kababayan.

Sa pamamagitan din nito aniya ay naipakikita ng bawat grupo ang suporta at pakikiisa sa pamahalaang mabigyang solusyon ang suliraning nararanasan dulot ng COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews