LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Hinatiran ng tulong ng pamahalaan ang may 1,400 pamilyang relocatees mula sa Lungsod ng San Juan na ngayon ay naniniirahan na sa iba’t ibang housing sites sa Bulacan.
Sa pangunguna ng San Juan City Local Government katuwang ang 48th Infantry Battalion o 48IB at Tribu ni Bro na isang non-government organization, hinatiran ng tulong ng grupo ang mga dating nakatira sa lungsod na ngayon ay naninirahan na partikular sa San Jose Heights Phase 1 at Muzon Phase 2 na sakop ng lungsod ng San Jose del Monte at Balagtas Heights sa Brgy Santol sa Balagtas.
Ang mga relocatees ay tumanggap ng relief packs na naglalaman lng imang kilong bigas, limang pack ng instant noodles at limang canned goods.
Ayon Pia Gil, kinatawan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng San Juan, binigyan nila ng ayuda ang relocatees dahil anya ay nanatiling rehistrado ang mga ito na kanilang lungsod kaya kailangan nilang magsagawa pa rin sa mga ito ng relief operations bilang pagtulong habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine.
Sa isang pahayag, sinabi ni 48IB Commanding Officer Lt. Col. Felix Emeterio Valdez na sa mga ganitong sitwasyon ang pagtutulugan ng pamahalaan at mga non-government organization ay nagbibigay ng pag-asa lalo’t higit sa mga nangangailangan.
Handa umano ang kanilang batalyon na magserbisyo sa publiko anumang oras at kahit saan.