Emergency Subsidy ng DSWD, sinimulan nang ipamahagi sa Bataan

LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Sinimulan nang ipamahagi kahapon sa Bataan ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP.

Ito ang ikapito at huling probinsya sa Gitnang Luzon na nag-rollout ng pamamahagi ng naturang financial assistance na bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. 

Sinimulan nang ipamahagi sa Bataan ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Emergency Subsidy Program. (DSWD Region 3)

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

May 519 paunang pamilyang benepisyaryo sa Bataan. Sila ay mula sa mga bayan ng Pilar (371 pamilya) at Hermosa (148 pamilya).

Samantala, patuloy pa rin ang pamamahagi ng ESP sa mga probinsya ng Aurora, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.

Sa Aurora, 447 pamilya ang nakatanggap ng ayuda. Sila ay mula sa mga bayan ng Dilasag (78 pamilya), Baler (260 pamilya) at Maria Aurora (109 pamilya)

Sa Bulacan, 42,836 pamilya na ang nabenepisyuhan. Sila ay mula sa Pandi (7,202 pamilya), Paombong (840 pamilya), Baliuag (8,819 pamilya), Doña Remedios Trinidad (415 pamilya), lungsod ng Malolos (3,763 pamilya), San Miguel (5,657 pamilya), San Rafael (3,583 pamilya), lungsod ng San Jose del Monte (4,590 pamilya), Angat (1,762 pamilya), Bustos (1,061 pamilya), Bulakan (1,034 pamilya), San Ildefonso (141 pamilya), Guiguinto (885 pamilya), Plaridel (886 pamilya), Sta. Maria (788 pamilya), Pulilan (148 pamilya), Balagtas (1,091 pamilya), at Norzagaray (171 pamilya).

Sa Nueva Ecija, 42,236 pamilya na ang nabahagian. Sila ay mula sa Licab (916 pamilya), Zaragoza (4,369 pamilya), Talavera (4,852 pamilya), San Antonio (2,471 pamilya), Pantabangan (1,014 pamilya), lungsod Agham ng Muñoz (4,290 pamilya), lungsod ng San Jose (5,313 pamilya), General Natividad (7,380 pamilya), Talugtug (2,079 pamilya), Lupao (991 pamilya), Quezon (957 pamilya), Nampicuan (129 pamilya), Peñaranda (385 pamilya), Jaen (2,995 pamilya), General Tinio (278 pamilya), San Leonardo (2,156 pamilya) at Cuyapo (1,661 pamilya).

Sa Pampanga, 17,269 pamilya na ang nakatanggap ng kanilang subsidiya. Sila ay mula sa lungsod ng San Fernando (2,951), Candaba (5,243 pamilya), Lubao (1,045 pamilya), lungsod ng Mabalacat (357 pamilya), Bacolor (141 pamilya), Mexico (627 pamilya), Floridablanca (23 pamilya), San Simon (316 pamilya), Minalin (2,227 pamilya), San Luis (468 pamilya), Arayat (873 pamilya) at Guagua (2,998 pamilya).

Sa Tarlac, 3,740 pamilya na ang nakakuha na ng naturang tulong. Sila ay mula sa Ramos (252 pamilya), Pura (503 pamilya), Capas (526 pamilya), Moncada (1,891 pamilya) at San Manuel (568 pamilya).

At panghuli sa Zambales, 905 mula sa lungsod ng Olongapo ang tumanggap ng ESP.

Paliwanag ni Maristela, ang mga pamilyang nakatanggap ng ESP ay kabilang sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.

Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor- senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.

Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture. 

Inaasahang makukumpleto ang pamamamahagi ng ESP sa 1.8 milyong mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon ngayong ika-30 ng Abril.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews