Nasa mahigit 2,000 manok o dressed chicken ang ipinamahagi ngayon sa lahat ng police stations sa Pampanga.
Ang naturang pamimigay ng manok para sa mga PNP personnel ay inorganisa ng Dan Way Food Donations, isang corporate social responsibility o CSR ng Dan Way Processing Corporation at DanWay Ministries.
Ayon sa may ari ng kumpanya na si dating Candaba Mayor, Engr. Danilo Baylon, ang naturang ayuda sa mga itinuturing na front liners sa panahon ng enhanced community quarantine o ECQ ay bahagi ng kanyang pagsi-share ng blessings sa aniya ay natamong biyaya ng Diyos sa kanyang mga negosyo.
“Bale 15 taon ko na itong ginagawa, mas pinaigting lang natin ngayon dahil sa napakaraming tao ang naapektuhan nitong lockdown lalo na yung mga taong mahihirap na mas lalong matindi ang naging epekto ng ECQ dahil nga sa banta nitong Covid19,” pahayag ni Engr. Baylon sa mga Central Luzon based na mamamahayag.
Dagdag pa ni Baylon, bukod sa Candaba at iba pang lugar sa Pampanga ay namahagi rin aniya sila ng manok, itlog at bigas sa iba pang panig ng bansa.
Sa darating na Mierkoles ay sa Camp Crame naman sila magtutungo para sa karagdagang food donations sa hanay ng kapulisan.
Tinitiyak din ng naturang negosyante na lahat ng Barangay sa kanyang bayan sa Candaba ay mabibiyayaan ng ayudang pagkain sa panahon ng krisis.