Food Relief sa Malolos, ginawa nang bultu-bulto sa barangay

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Bultu-bulto na ang ginawang pagpapadala ng food relief ng pamahalaang lungsod ng Malolos sa may 51 mga barangay nito. 

Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, noong unang salida ng pamamahagi ng mga food relief sa simula ng Enhanced Community Quarantine o ECQ, nagsasagawa pa ng repacking ang City Social Welfare and Development Office at siyang ipinapadala sa mga barangay upang maiabot sa kada bahay.

Ngunit nagkakaroon aniya ng pagka-antala sa pamamahagi dahil limitado lamang ang bilang ng mga nagre-repack. Kaya’t minabuti ng pamahalaang lungsod na bultu-bulto na ang gawing pagpapadala. 

Ibig sabihin, ibinase sa bilang ng mga target mapagkalooban sa isang barangay kung ilang kaban ng bigas, mga kahon ng sardinas, noodles at kape ang ipapadala. 

Inatasan din ang mga kawani sa mga pamahalaang barangay na sila na ang mag-repack upang mapabilis ang pagbibigay sa mga tukoy nang mga benepisyaryo. 

Nasa ikatlong bugso na ang pamamahagi ng bultu-bultong food relief sa Malolos. Naideliber na ito sa mga barangay ng Anilao, Bagna, Balayong, Balite, Bangkal, Barihan, Bungahan, Bulihan, Canalate, Caniogan, Catmon, Cofradia, Dakila, Guinhawa, Liang, Ligas, Look 1st, Mabolo, Mambog, Niugan, San Agustin, San Gabriel, San Pablo, San Vicente, Santiago, Santisima Trinidad, Sto. Cristo, Sto. Nino, Sumapang Matanda at Taal.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gatchalian na magiging linggu-linggo na ang paghahatid ng tulong na suplay ng pagkain habang umiiral ang ECQ.

Magmumula ang pondo sa aprubado nang 136 milyong pisong supplemental badyet ng lokal na pamahalaan.

Sa loob ng halagang ito, 64 milyong piso ay mula sa Bayanihan Grant for Cities and Municipalities na inilabas ng Department of Budget and Management upang alalayan ang mga pamahalaang lokal na tustusan ang gastusin sa pamamahagi ng mga food relief habang ang 72 milyong piso ay mula sa realignment mula sa development fund at quick respond fund. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews