6 SSF cooperators sa Bulacan tumulong sa laban vs COVID-19

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Anim na Shared Service Facility o SSF cooperators ng Department of Trade and Industry o DTI sa Bulacan ang tumulong na rin sa laban kontra coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay DTI Provincial Director Ernani Dionisio, isa sa malaking tulong sa paglaban sa COVID-19 ang Bagong Barrio Multi-Purpose Cooperative o BBMPC na ginamit ang mga SSF machine sa pagproduce ng mga Personal Protective Equipment o PPEs at face masks upang matugunan ang kakulangan ng suplay sa lalawigan. 

Ipinamahagi ng kooperatiba ang mga medical supplies na nagawa sa iba’t ibang pampublikong ospital. 

Nagbigay din ang BBMPC ng 30-day moratorium sa pautang at relief packs at financial assistance sa mga miyembro nito.

Gayundin, karagdagang face masks ang ginawa ng San Ildefonso Doormat Manufacturers Association, Inc. na ipinamigay sa mga miyembro nito at lokal na pamahalaan.

Samantala, gumagawa ang Kabalingay Bulacan Third District Federation Inc. ng humigit kumulang 2,000 face masks kada araw at 200 PPEs kada linggo at ibinebenta sa murang halaga.

Nagpamahagi ng food assistance at loan payment extension ang Ligas Kooperatiba ng Bayan sa Pagpapaunlad sa kanilang mga miyembro.

Nagbigay naman ang Manatal Multi-Purpose Cooperative ng tig-10 kilong bigas sa kanilang miyembro. 

Ito ay bukod pa sa  5,500 relief packs na ipinamahagi sa anim na barangay sa bayan ng Pandi.

At panghuli, nagpamahagi ang Casechcom Multi-Purpose Cooperative ng gatas at cash assistance sa mga miyemro nito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews