Mga stranded na manggagawa sa Gapan, nakatanggap ng ayuda

LUNGSOD NG GAPAN — Nakatanggap ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Gapan ang nasa 100 manggagawang stranded sa siyudad.

Nang matanggap ang impormasyon tungkol sa kalagayan ng mga manggagawa ay agad tinungo ng grupo ni Mayor Emerson Pascual ang mga trabahador upang kamustahin at abutan ng tulong.

Ayon kay Pascual, hindi lamang mga residente ng lungsod ang makatatanggap ng ayuda kundi lahat ng mga nasa lungsod na napag-abutan ng Enhanced Community Quarantine. 

Kaya walang dapat ipag-alala aniya ang mga kamag-anak ng mga manggagawang nasa lungsod dahil tutulong at aalalay ang pamahalaang lokal gaya sa mga kailangang pagkain.

Ang mga naturang manggagawa ay mga construction worker sa itinatayong pasyalan sa lungsod na nahinto sa paggawa dahil sa coronavirus disease o COVID-19.

Paunang ibinigay ng alkalde ang limang sakong bigas, mga de lata at 15,000 piso pambili ng mga kailangan pang pagkain at gamit. 

Habang nakahinto aniya sa konstruksiyon ay maaaring munang mamasukan sa lungsod ang mga naturang trabahador sa pagbibilad ng palay bilang agapay at dagdag kita ngayong nasa gitna ng krisis dahil sa COVID-19. 

Ang ipinakiki-usap lamang ng pamahalaang lokal ay sumunod sa mga patakarang ipinatutupad ng mga otoridad upang mapigilang kumalat ang COVID-19 sa siyudad. 

Ibinalita din ni Pascual na muling magsisimulang mamahagi ng 50-kilong bigas ang pamahalaang lungsod sa bawat pamilyang nasasakupan na ikalawang bahagi o pag-ikot na sa mga barangay. 

Bukod pa ang tulong pinansiyal na tig-isanlibong piso para sa mga senior citizen, jeepney at tricycle driver, tindero, at mga manggagawa ng tsinelas sa Gapan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews