LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Humigit kumulang 86,368 manggagawa sa pribadong sektor na napapabilang sa tinatawag na “formal sector” ang tumanggap ng tig-limang libong pisong ayuda mula sa Department of Labor and Employment o DOLE.
Layunin ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP ng ahensya na tulungan yung mga apektado ng flexible work arrangements o temporary closure dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Inilahad ni DOLE Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita na as of April 23 ay nakapagrelease na sila ng 431.84 milyong pisong halaga ng ayuda para sa 86,368 manggagawa mula sa 3,974 establisyemento sa rehiyon.
Sa numerong yan, may 1,849 manggagawa mula sa 147 establisyemento sa Aurora; 8,951 manggagawa mula sa 475 establisyemento sa Bataan; 27,337 manggagawa mula sa 938 establisyemento sa Bulacan; 7,190 manggagawa mula sa 495 establisyemento sa Nueva Ecija; 27,942 manggagawa mula sa 1,115 establisyemento sa Pampanga; 4,915 manggagawa mula sa 358 establisyemento sa Tarlac; at 8,184 manggagawa mula sa 446 establisyemento sa Zambales.
Ang pamamahagi ng naturang financial assistance ay bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.
Bukod sa DOLE, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development at Department of Agriculture.