LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Pinuri at pinasasalamatan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kawaning katuwang sa paghahatid serbisyo sa mga nasasakupang mamamayan.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, binibigyang halaga niya ang sakripisyo, pagtitiyaga at malasakit ng mga kawani upang makapaghatid ng tulong sa mga nasasakupang mamamayan lalo ngayong panahon ng krisis dulot ng coronavirus disease.
Maituturing aniyang bayani ang nasa humigit 600 empleyadong bumubuo sa relief operations ng kapitolyo.
Kasama rito ang mga porter na araw-araw ay gumigising ng maaga upang maghanda sa mga isinasagawang relief distribution na kung minsan ay inaabot pa ng gabi dahil sa pinupuntahang malalayo at liblib na mga barangay.
Sakay ng mga trak ay tinutungo ng mga kawani ang mga pamayanan na layuning maagapayanan ang nasa 620,000 kabuuang households na nasasakupan ng lalawigan.
Pinasasalamatan din ng gobernador ang mga empleyadong nasa opisina na mga nag-aasikaso ng mga dokumentong kailangan ng pamahalaang panlalawigan.
Kaniyang pahayag ay naipakikita rito ang likas na pagiging matulungin at pagkakaroon ng malasakit sa kapwa ng mga Nobo Esihano.
Humihingi naman ng pang-unawa si Umali sa mga hindi pa napupuntahang barangay ng pamahalaang panlalawigan.
Aniya, hindi sila perpekto ngunit ang kaniyang masisiguro ay ang paggawa ng buong makakaya upang makapag-abot ng tulong sa lahat ng mga Nobo Esihano.