TESDA online program makapabibigay ng trabaho, ayon kay Rep. Yap

Binigyang-diin ni Tarlac Rep. Victor Yap (2nd District, Tarlac) sa isang online na pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education ang mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na maaring makatulong sa mga kababayan natin upang makahanap ng trabaho pagkatapos ng nararanasan natin Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng COVID-19 pandemic.

Nabanggit ito ni Rep. Yap matapos niyang ibahagi na kumuha rin siya ng isang kurso online habang nasa ilalim tayo ng ECQ. 

Ayon kay Sec.  Isidro Lapeña, Director General ng TESDA, simula pa noong 2012 ay mayroon na silang online courses na mas pinalawak pa noong sumailalim tayo sa ECQ. Dagdag pa niya, 260 na ang nag-register sa kanila mula noong March 15, at mayroon nang 60,000 ang naka-kumpleto na sa kanilang mga online courses. Balak pa raw nilang mas palawakin pa ang mga kursong ito online nang sa gayon ay mapakinabangan ng ating mga kababayang nananatili lamang sa loob ng bahay ang mga kursong kagaya ng pagluluto, paggawa ng pagkain, at iba pa.

Sinabi pa ni Sec. Lapeña na patuloy pang dumarami ang kanilang mga enrollees dahil nagkakaroon na ng kamalayan ukol sa online courses nila ang mga tao.

Nilinaw naman ni Rep. Yap na libre ang mga nasabing kurso online, kung saan makatatanggap ng certificate of completion ang sinumang makatapos ng mga kurso, kung saan mayroon din silang pagkakataong mabigyan ng national certificate kung gugustuhin nilang magpa-assess pa.

Dahil sa dami ng mga nais mag-enrol sa online program ng TESDA, nabanggit din ni Sec. Lapeña na humingi na sila ng tulong sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang magkaroon sila ng karagdagang kapasidad na tumanggap pa ng mga gustong mag-register. Bunsod nito, nakakayanan nilang hawakan sa kasalukuyan ang humigit-kumulang 4,000 nilang aplikante online. 

Ikinatuwa naman ni Rep. Yap ang inilahad ng TESDA Director-General kaya iminungkahi nyang magkaroon ng isang team na maaring tumutok sa online program na ito. 

“Magiging kapaki-pakinabang ang TESDA online program lalo na sa mga panahong kapos sa kabuhayan ang mga kababayan natin, kaya naman mahalaga talaga ang pagsasakatuparan ng National Broadband Plan ng ating pamahalaan. Maliwanag na makakatulong ito hindi lamang sa aspeto ng edukasyon, kundi sa paglutas na rin sa isyu ng unemployment sa ating bansa dulot ng COVID-19”, ani Yap.

Pinagunahan  ni Rep. Mark Go (Baguio, Lone District) bilang Chairman ng nasabing Kumite ang online na pagdinig na ito kahapon.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews