LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nasa kabuuang 116,368 manggagawa sa pribadong sektor na napapabilang sa tinatawag na “formal sector” ang tumanggap ng tig-limang libong pisong ayuda mula sa Department of Labor and Employment o DOLE.
Layunin ng COVID-19 Adjustment Measures Program o CAMP ng ahensya na tulungan yung mga apektado ng flexible work arrangements o temporary closure dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Inilahad ni DOLE Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita na naidisbursed na nila ang natitirang 150 milyong pisong alokasyon para sa Gitnang Luzon nitong huling linggo ng Abril kung saan 30,000 manggagawa ang nabenepisyuhan.
Sumatotal, 581.84 milyong pisong halaga ng ayuda ang kanilang naipamahagi sa kabuuang 116,368 manggagawa mula sa 5,428 establisyemento sa rehiyon.
Sa numerong yan, may 2,300 manggagawa mula sa 198 establisyemento sa Aurora; 12,072 manggagawa mula sa 670 establisyemento sa Bataan; 32,129 manggagawa mula sa 1,066 establisyemento sa Bulacan; 10,013 manggagawa mula sa 719 establisyemento sa Nueva Ecija; 40,032 manggagawa mula sa 1,671 establisyemento sa Pampanga; 7,129 manggagawa mula sa 488 establisyemento sa Tarlac; at 12,693 manggagawa mula sa 616 establisyemento sa Zambales.
Paliwanag ni Campita, nagamit na ng DOLE ang lahat ng nalalbi nitong pondo sa ilalim ng CAMP kaya naman hindi na nila mapagbibigyan ang libu-libo pang aplikasyon na kanilang natanggap.
Nagpasalamat siya sa lahat ng kumpanyang nagsumite ng kanilang aplikasyon sa CAMP para sa pagsusumikap na matulungan at suportahan ang kani-kanilang mga empleyado ngayong panahon ng krisis.
Samantala, ang mga establisyemento na hindi nakasama sa mga nakatanggap ng CAMP ay hinihikayat na mag-aplay sa ayuda ng Small Business Wage Subsidy o SBWS Program ng Department of Finance o DOF, Social Security System at Bureau of Internal Revenue.
Bilang bahagi ng data-sharing agreement ng DOLE at DOF, lahat ng mga aplikanteng establisyemento na hindi napagbigyan sa CAMP ay isinumite para sa rekonsiderasyon sa SBWS.