LUNGSOD NG CABANATUAN — Inaayos na ng pamahalaang panlalawigan ang mga dokumentong kailangan sa kahilingang magkaroon ng coronavirus disease o COVID-19 testing center sa Nueva Ecija.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, mahalagang malaman agad ang mga resulta ng mga laboratory test ng mga pinaghihinalaang pasyente ng COVID-19 sa lalawigan upang sa gayon ay agad na makagagawa ng hakbang at solusyon upang mapigilang kumalat ang naturang sakit.
Paano aniya makagagawa ng plano kung walang tiyak na basehan ng mga isinagawang pagsusuri sa mga pasyente.
Pahayag ng gobernador, sa kasalukuyan ay bumagal ang pagdating ng mga resulta ng laboratory test mula sa Maynila dahil sa dami ng mga sinusuring pasyente.
Aniya, ito ang hangad na maitaguyod sa lalawigan bilang suporta at maitutulong na din sa pamahalaang nasyonal at mga karatig probinsiya na nangangailangan ng mga pagsusuri.
Ayon pa kay Umali, hindi din basta-basta ang paglulunsad ng testing center sa lalawigan dahil kinakailangang dumaan sa mga panuntunan gaya ng pagsisiyasat ng Department of Health sa gusaling gagamitin para sa pasilidad.
Kaniyang binanggit na ito ngayon ang inaasikaso ng tanggapan nang sa gayon ay maipasa na agad ang mga kailangang dokumento lalo ngayon na kailangan ng mga ospital na magkaroon ng testing center sa lalawigan.
Paglilinaw pa ni Umali ay hindi pa maaaring lumabas ng mga tahanan dahil hindi pa tapos ang laban sa COVID-19 at wala pang kasiguraduhan kung hanggang kailan magtatagal ang kasalukuyang krisis na nararanasan ng bansa.
Kaniyang patuloy na panawagan ay parating sumunod sa mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan, lokal man o nasyonal, manatili lamang sa mga tahanan at huwag sayangin ang mga naumpisahang pagsusumikap kontra sa COVID-19.
Marami na aniya ang napapagod ngunit kailangan natin ang patuloy na pagtutulungan upang sama-samang mapagtagumpayan ang suliraning pangkalusugan.