LUNGSOD NG CABANATUAN — Regular ang pagsisiyasat ng Department of Trade and Industry o DTI sa mga pamilihan upang masigurong nasa wasto ang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, sa pangunguna ng validation team na binuo ng Consumer Protection Division ay ini-inspeksyon ang mga presyo, suplay o stocks ng mga pangunahing bilihin sa merkado simula nang maipatupad ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Aniya, magtutuloy-tuloy ang monitoring ng ahensya hanggang sa matapos ang pagpapatuapd ng ECQ sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng gawain ay nais tiyakin ng DTI-Nueva Ecija sa abiso ng mga manufacturers na mapanatiling sapat ang suplay ng mga bilihin sa merkado.
Kabilang sa mga natungo na ng tanggapan ay ang iba’t ibang establisimento sa Sta. Rosa, Jaen, at mga lungsod ng Cabanatuan at Gapan na may mga sapat na suplay ng mga bilihin maliban sa sardinas at mga kilalang brand ng instant noodles.
Pahayag ni Pili, karamihan sa mga napuntahang pamilihan ay lingguhan ang dating ng mga suplay ng iba’t ibang produkto.
Para naman sa mga natatanggap na maramihang order mula sa mga lokal na pamahalaan na ginagamit sa relief operations ay kinakailangang maghintay ng dalawa o tatlong araw sa pagdating ng mga bibilhing suplay na nanggagaling pa sa Maynila.