Bigas na ipinamimigay sa relief, galing sa mga magsasaka sa NE

LUNGSOD NG CABANATUAN — Nasa 500 hanggang 5,000 sako ng bigas ang natatanggap na order ng ilang samahan ng magsasaka sa Nueva Ecija.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I Jocelyn Ramones, ang suplay o inaangkat na mga bigas ay mula sa ilang Agrarian Reform Beneficiaries Organizations sa lalawigan. 

Kabilang rito ang Bantug Agricultural Multi-Purpose Cooperative, Talabutab Norte Primary Multi-Purpose Cooperative, Nagkakaisang Magsasaka Agricultural Multi-Purpose Cooperative, Bagong Buhay ng Mabini Multi-Purpose Cooperative at Bagumbayan Multi-Purpose Cooperative.

Pahayag ni Ramones, ang kanilang mga produkto at sariling ani ay tinatangkilik ng ilang pamahalaang lokal sa lalawigan kabilang ang Talavera at General Mamerto Natividad na sa mga nasasakupang magsasaka bumibili ng suplay para sa mga isinasagawang relief operation.  

Aniya hindi lamang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ang bumibili sa mga nabanggit na samahan pati ang mga nasa malalayong lugar gaya ng Sto.Tomas, Batangas at Sta. Rosa, Laguna. 

Bagamat abala sa pag-susuplay ng bigas ay hindi naman nakalilimot ang mga kooperatiba na tumulong sa kapwa ngayong nasa gitna ng krisis dahil sa coronavirus disease.

Pagpapatunay ni Ramones, nasa ikalawang bahagi na ng pagtulong o pamamahagi ng relief ang mga samahan ng magsasaka sa lalawigan na nagpapamigay ng food packs, cash at iba pa. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews