Bukod sa biyayang ipinagkakaloob ng LGU ng bayan ng Bagac ay dinagdagan pa ito ng pamilya ng negosyanteng si Ronald del Rosario, ama ni Bagac Vice Mayor Ron del Rosario.
Sa isang panayam via Facebook Messenger kahapon ay sinabi ni Vice Mayor Ron Del Rosario na namahagi sila ng mga buhay na manok sa 8, 489 households sa buong bayan.
Ayon ka Vice Mayor Ron, sinimulan nila ang pamamahagi ng nasabing tulong sa Barangay Parang nitong May 11, Barangay San Antonio at Barangay Binukawan nitong Mayo 12.
Samantala, ngayong May 13 ay sa Brgy. Atilano at Banawang naman ipamamahagi ang mga biyayang ito at tuloy tuloy hanggang sa mapuntahan nilang lahat ang mga barangay ng Bagac.
Sinabi pa Vice Mayor del Rosario na mismong ang kanyang ama at ibang miembro ng pamilya ang nagkusa na magkaloob ng karagdagang tulong.
“Itong mga buhay na manok ang naisip namin para mailuluto nila ito sa kung ano ang gusto nilang recipe,” pahayag pa ni Vice Mayor Del Rosario.
Bukod sa pagtulong sa kanilang bayan ay nakapag donate na rin ang Del Rosario Family headed by Ronald del Rosario sa lalawigan ng Bataan ng 200 boxes ng canned goods at sampung libong packs ng noodles.
Nag pahayag naman ng personal na pasasalamat sa pamilya ng mga Del Rosario si Bataan Gov. Abet Garcia.
Ayon kay G. Ronald del Rosario, ito umano ang panahon ng pagtutulungan upang makahugot ng lakas sa bawat isa sa pagharap sa matinding pandemya, ang Covid-19.
Dagdag pa ni Vice Mayor Ron del Rosario, ang naibigay na tulong ay collaborative effort pa rin umano nila nina Mayor Ramil del Rosario, Bagac SB members, mga punong barangay at kagawad, SK councils, barangay health workers at mga volunteers.
Ang tunay at masidhing pagkakaisa ang dahilan ayon pa kay Vice Mayor Ron kung bakit hanggang ngayon ay napapanatili pa rin nila na Covid-19-Free pa rin ang bayan ng Bagac.
Sa isang panayam ay pinanindigan ng Bagac LGU na hindi sa mismong bayan ng Bagac nahawa ang napaulat na isang residente nila na nakumpirmang Covid-19 positive.