LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsimula nang magkaloob ng tig-limang libong pisong ayuda para sa mga magsasaka ng Palay sa Bulacan.
Una na riyan ang may 550 na mga magsasaka sa Malolos, na bahagi ng kabuuang 9,105 na target na mga benepisyaryo sa buong lalawigan.
Ang ayuda na ito ay mula sa Department of Agriculture o DA sa ilalim ng Rice Farmer Financial Assistance o RFFA na kabilang sa mga Social Amelioration Program ng pamahalaan.
Layunin nito na maagapayan ang mga magsasaka na naaapektuhan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Provincial Agriculturist Gigi Carillo, kwalipikadong makatanggap nito ang mga magsasakang may lupang sakahan na mula isang ektarya pababa.
Sila rin ang mga magsasakang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
Sa bayan ng San Miguel, na nagsisilbing rice granary ng lalawigan bilang may pinakamalaking lupang sakahan ng Palay, may 1,361 na mga magsasaka ang benepisyaryo ng RFFA habang may 847 na mga benepisyaryo sa kalapit na bayan ng San Ildefonso.
Katuwang ng DA sa pamamahagi ang Land Bank of the Philippines o LBP, Provincial Agriculture Office at ang mga municipal at city agriculture office.
Sinabi ni LBP-Malolos Plaza Branch Manager Annabelle De Guzman na tututukan nila ang pagkakaloob ng RFFA sa mga magsasaka na malapit sa latian gaya ng 10 sa Paombong at 108 sa Hagonoy.
Kaugnay nito, nananatili pa rin ang Bulacan na kabilang sa sampung pangunahing mga lalawigan na may malawak na taniman ng Palay sa bansa.
Ipinaliwanag din ni Carillo na nitong Marso 2020, may kabuuang 24,784 ektaryang ng lupang sakahan ang napataniman ng Palay.
Naani na rito ang may 5,934.70 na ektarya na katumbas ng 23 poryento sa kabuuan ng mga pananim.