LUNGSOD NG MALOLOS — Muling binuksan sa trapiko ang mga entry at exit sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX na pansamantalang isinara matapos ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, tuluy-tuloy nang makakadaan ang mga sasakyan sa mga interchange ng Meycauayan main, Marilao, Bocaue, Tabang, Sta. Rita, Pulilan, San Simon, San Fernando, Mexico, Angeles, Dau at Sta. Ines.
Wala nang nakahimpil na mga checkpoint sa nabanggit na mga entry at exit maliban sa Angeles at Dau interchanges, dahil kabilang ito sa mga nilalabasan ng mga sasakyan na galing sa Clark International Airport o CRK.
Mas pinaigting naman ang checkpoints ng Joint Task Force Coronavirus Shield o JTF CV Shield sa mga entry at exit ng NLEX sa hangganan nito sa Metro Manila gaya ng Mindanao Avenue interchange, NLEX-Harbor Link ramps at Balintawak toll plaza.
Tanging ang mga maliliit na entry at exit na lamang sa NLEX ang nananatiling sarado gaya ng bagong bukas na Tambubong exit, entry sa northbound at entry sa southbound. Gayundin ang Pandayan southbound exit at Libtong northbound exit sa Meycauayan; Lingunan southbound exit at Lawang Bato northbound exit sa Valenzuela.
Sarado naman ang Ciudad de Victoria interchange sa trapiko. Pansamantala na eksklusibo lamang ito para sa mga sasakyan na may kaugnayan sa operasyon, at magdadala ng pasyente sa We Heal As One Center sa Philippine Arena complex.
Sa SCTEX, 100 porsyento nang bukas ang mga entry at exit ramp nito bagama’t pinapanatili ang mga checkpoint ng JTF CV Shield sa Clark South at Clark North interchange, na nagsisilbi ring gateway papuntang CRK.
Inalis na rin ang mga checkpoint sa interchange ng Hacienda Luisita/San Miguel, Tarlac City, Porac, Floridablanca at Tipo.
Bagama’t bukas na rin, pinanatili ang mga checkpoints sa mga interchange ng Dolores at Concepcion.
Binigyang diin ng NLEX Corporation na ito na rin ang magiging sistema kapag ipinatupad ang General Community Quarantine sa Gitnang Luzon.