86 stranded na Bulakenyo naiuwi

LUNGSOD NG MALOLOS — Ligtas nang napauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang may 86 Bulakenyong na-stranded sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sila ang mga hindi nakauwi nang isailalim ang Luzon sa Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Ayon kay Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, binuo ang Task Force Balik-Bulacan upang tuluyang masundo at maiuwi ang mga kalalawigan.

Nakatuwang aniya rito ang Department of Tourism para sa mga Bulakenyong turista na inabutan ng ECQ habang nagbabakasyon o namamasyal sa iba’t ibang tourist spot ng bansa. 

Ang Department of Transportation naman ang tumulong upang maiuwi ang mga Bulakenyong nagtatrabaho sa labas ng probinsya partikular sa Metro Manila habang inasikaso ng Overseas Workers Welfare Administration ang pag-uwi ng mga Bulakenyong Overseas Filipino Workers. 

Samantala, Commission on Higher Education ang tumulong sa mga estudyanteng taga-Bulacan na naipit ng ECQ habang nasa kanilang mga on-the-job training o anumang outdoor activities.

Bukod sa libre ang naging biyahe sa kanilang pag-uwi sa Bulacan, tatlo ang pangunahing rekisito upang mapayagang makauwi sa lalawigan. 

Kabilang diyan ang medical clearance, certificate of origin at permit to travel mula sa doktor o medical institution sa lugar na kanilang pinanggalingan. 

Binigyang diin ni Dela Cruz na ang mga Bulakenyong napauwi ay inisyal pa lamang. 

Kasalukuyan nang ipinoproseo ang pag-uwi ng iba pang nagpabatid ng kanilang pagiging stranded at intensiyon na makauwi.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews