Marangal na pangangasiwa sa mga namatay sa COVID-19, tiniyak

LUNGSOD NG MALOLOS — Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan ang pagkakaroon ng isang marangal na sistema sa pangangasiwa sa mga labi ng mga pumanaw dahil sa sakit na coronavirus disease o COVID-19 at maging yung mga probable at suspect cases pa lamang.

Sa inilabas niyang Executive Order 17-2020, binuo ang Provincial Team for the Management of the Dead Persons habang may pandemya. 

Ito ay naaayon sa Memorandum Circular no. 2020-063 ng Department of the Interior and Local Government o DILG tungkol sa Interim Guidelines on the Management of Human Remains for Patients Under Investigation and Confirmed COVID-19 Cases.

Ang pangangasiwa sa mga namatay na pasyente ay mag-uumpisa mula sa pagtukoy kung sino ito, pagkuha sa lugar ng kinamatayan hanggang sa pagtukoy ng paglilibingan o pagsusunugan. 

Ayon kay DILG Provincial Director Darwin David, pinapayagang hindi ipasunog ang mismong labi ng namatay sa COVID-19 basta’t mailibing agad sa loob ng 12 oras. 

Ipinagbabawal ang burol o lamay ng isang patay na nakahiga sa ataul. Pero kung ang isang patay ay ipinasunog o isasailalim sa cremation, pwede itong paglamayan kung nasa loob na ng Urns ang abo. 

Dahil dito, ayon pa kay David, kinakausap na ng DILG sa tulong ng 21 mga pamahalaang bayan at 3 pamahalaang lungsod sa lalawigan, ang mga punenarya at crematorium sa Bulacan na huwag magsamantala sa presyo ng kanilang mga serbisyo.

Sa paglilibing o pagsaksi sa pagsusunog, tanging hanggang 10 pinakamalapit na kapamilya ng namatay ang papayagan lamang. 

Bukod dito, kinokonsidera rin ang paggalang sa relihiyon o pananampalataya ng isang namatay kung ito ay ipapasunog o ililibing.

Sinabi naman ni Police Provincial Director PCol. Lawrence Cajipe na maglalatag ng perimeter security sa paligid ng pagdadalahan na punenarya, paglilibingang sementeryo o pagsusunugan na crematorium. 

Tinukoy rin sa nasabing Executive Order na babalikatin ng pamilya ng namatay ang gastusin sa paglilibing o pagsusunog. 

Kung walang kakayahan ang pamilya ng namatay, nakahandang tumulong at umagapay sa gastusin ang mga pamahalaang lokal sa Bulacan. 

Sa panig naman ng Kapitolyo, may umiiral na itong programa para sa tulong sa pagpapalibing sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Samantala, sa sandaling maialis sa lugar ng pinagkamatayan ang labi ng namatay dahil sa COVID-19, kinakailangan itong isailalim agad sa massive disinfection. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews