Kasalukuyang binabalangkas at pinag-aaralang mabuti ng Pamahalaang Bayan ng Samal ang mga wastong pamantayang ipatutupad sa kanilang mga mamamayan sa paglabas nila ng tahanan batay sa ngayo’y “new normal” na kanilang susundin.
Ayon kay Samal Mayor Aida Macalinao, kasama niya ang Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Jun Espino, Samal front liners, Sangguniang Kabataan at iba mga opisyal para talakayin ang iba’t ibang pamamaraan para anila maging maalwan ang paggalaw ng mga mamamayan kung saan sila pupunta paglabas ng bahay.
Binabalak ng Pamahalaang Bayan ayon pa kay Mayor Macalinao, na magkaroon ng iba’t ibang cards tulad ng “Household Consumer card, Employer and Employees card, Informal Sector Card, Essential and Non-essential Provider’s card gayundin Agriculture Sector card na siyang gagamitin ng kanilang mga mamamayan bilang travel pass sa paglabas nila ng kanilang mga tahanan.
Sinabi pa ng Alkalde na ang mga binabalak nilang mga cards ay maari pang mabago at madagdagan base sa kanilang pag aaral at kapag ang lahat ng ito ay ma-finalized na nilang lahat ay agad nila itong ipapaalam sa lahat ng mga barangay capt’s at mga mamamayan upang maiwasan ang pagkalito at kawalan ng kaalaman sa mga patakaran na kanilang susundin.
Ikinatuwa naman ng mga mamamayan ang ganitong paghahanda ni Mayor Aida gayundin, nagpasalamat sila sa agarang tugon nito sa kanilang mga tanong at sa mabilis na aksyon ng kanilang travel pass station sa pagbibigay ng travel authority.