Balewala lahat ang sakripisyo at halos dalawang buwan na lockdown na isinagawa sa Enhanced Community Quarantine (ECQ), Modified ECQ at General Community Quarantine (GCQ) ng gobyerno laban sa coronavirus (COVID-19) disease kung magpapatuloy ang pagdagsa ng taumbayan sa mga commercial establishments partikular na sa mga malls.
Pakiusap ni Pandi Mayor Enrico Roque sa kaniyang mga kababayan na huwag munang pumunta sa mga department stores lalo na sa mga malls kundi rin lang naman kailangan upang maiwasan ang posibleng kinatatakutang 2nd wave ng nakamamatay na virus.
“Sana lang sa paglilibang natin sa mga malls o kung saan man ay hindi Covid-19 ang pasalubong natin pag-uwi sa ating pamilya. Napakalaking disgrasya!, ayon kay Roque.
Ito rin ang pakiusap ni Governor Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na bigyan halaga ang sakripisyo ng pamahalaan dahil sa dagdag pasensiya at pagtitiis na manatili sa loob ng tahanan ang siyang pinakamagandang paraan upang maiwasan ang nasabing infectious disease kung saan nakasalalay ang kalusugan ng bawat miyembro ng pamilya.
“Nasimulan na natin ang laban ituloy-tuloy na natin ito, hindi lang para sa sarili natin kundi para sa pamilya natin at mamamayang Bulakenyo.
Tapusin natin ang laban, tapusin natin ang Covid!, ayon kay Fernando.
Sinabi ni Roque na hindi madali ang naging laban ng pamahalaang local ng Pandi at maging ng pamahalaang nasyunal at sa kabila ng hirap, pagkabagot, inip sa bahay ay nagawang mapagtagumpayan ang laban dahil Covid-free na sa ngayon ang bayan ng Pandi kaya huwag aniyang sayangin ang kanilang nasimulan dahil hindi pa tapos ang laban.
Apela pa ng alkalde sa mga taga-Pandi na kailangan nito ang suporta at kooperasyon ng bawat ia dahil laban ito ng bawat Pandienyo.
“Hangga’t may Covid positive sa ating bansa at hanggang wala pang vaccine or gamot para dito patuloy pa rin po tayong mag-ingat, palagi po nating iisipin na sa tuwing lumalabas po tayo ng ating tahanan ay inilalagay natin sa peligro hindi lang ang ating buhay pati na rin ang buhay ng ating pamilya,” ani Roque.
Hinikayat ni Roque hindi lamang ang mga Pandienyo kundi maging ang buong sambayanan na huwag na munang lumabas sa ilalim ng Modified ECQ at babala pa nito.. “KUNG PAMILYA MO’Y MAHALAGA, BANTA NG COVID19 AY ‘WAG IPAGSAWALANG BAHALA!”