SAN RAFAEL, Bulacan — Pinaghahanda na ng National Irrigation Administration o NIA ang mga magsasaka sa Bulacan para sa nalalapit na pagpapatuloy muli ng patubig mula sa Bustos Dam simula sa Hunyo 1.
Partikular dito ang paglilinis sa mga kanal ng patubig at paghuhukay sa mga daluyan na bumabaw na upang makadaloy nang maayos ang tubig mula sa nasabing dam.
Ayon kay Francis Clara ng NIA Regional Office, inaprubahan na ng National Water Resources Board ang 15 cubic meter per second na alokasyon na tubig mula sa Angat Dam upang padaluyin sa Bustos Dam.
Bukod sa pagiging suplayer ng inuming tubig sa Metro Manila at sa Bulacan Bulk Water Supply Project, ang Angat Dam ay nagsusuplay din ng tubig sa Bustos Dam upang maging patubig sa may 6,400 na ektaryang lupang sakahan sa Bulacan.
Kabilang sa mga naaabot ng patubig mula sa Bustos Dam ay mga sakahan na nasa mga bayan ng tinatawag na AnBusPa o Angat, Bustos at Pandi.
Umaabot din ito sa mga sakahan sa San Rafael, Baliwag, Plaridel, Pulilan, Calumpit, Malolos, Bulakan, Guiguinto at Balagtas.
Sa kasalukuyan, tinatapos na ng NIA ang ginagawang pagkukumpuni sa Rubber Gate 5 matapos ang kadadaang Bagyong Ambo.
Mayroon itong lebel ng tubig na nasa 15.02 metro at tinatayang aangat sa 17.00 metro kabag dumaloy na ang tubig mula sa Angat Dam.
Kaugnay nito, napapanahon ang pagpapadaloy ng tubig sa Bustos Dam mula sa Angat Dam dahil tumaas sa 190.57 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam mula sa 187 meters bago ang Mayo 15.
Ayon kay Liz Mungcal, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ito’y bunsod ng pagdaan ng mata ng bagyong Ambo sa hilagang-silangan ng Bulacan, kung saan nagbagsak ito ng malakas na ulan sa ibaba ng Angat Dam.
Samantala, ito na ang pangalawang pagtatanim o second cropping ng mga magsasaka sa Bulacan ngayong taon.
Bagama’t nakapailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine ang lalawigan, binigyang diin sa Executive Order 18-2020 ni Gobernador Daniel R. Fernando na papayagan nang makalabas mula sa tahanan ang mga magsasaka upang makapagtanim muli.