Sa simula pa lamang na maapektuhan ng COVID-19 pandemic ang ating Syudad, ako ay mariing nawagan na para sa pagkakaisa at kooperasyon ng bawat Fernandino at mga namumuno sa ating Syudad. Alam ko na sa panahon ng KRISIS, maliban sa pangunahing suliranin sa kalusugan at buhay ng tao, ay maaari ding magbunsod ng pagkabahala at kaguluhan sa sitwasyon ang PAGSASAMANTALA.
Nakakapanlumo at nakakalungkot isipin na may mga taong mas uunahin ang pansariling interes na may bahid ng pagsasamantala sa panahon ng krisis.
Ang pagkakalat ng FAKE NEWS sa panahon ng KRISIS ay may mabigat na kaparusahan sa ilalim ng ating mga batas. Bilang City Mayor, hindi ko ito mapapalampas. I will put this to STOP.
Nakasaad sa Republic Act No. 11469 o ang “Bayanihan to Heal As One Act” Section 6 na ipinagbabawal ang pagkakalat ng fake news o false information ngayong nasa panahon tayo ng COVID-19.
“Individuals or groups creating, perpetrating or spreading false information regarding the COVID-19 (coronavirus disease 2019) crisis on social media and other platforms, such information having no valid or beneficial effect on the population, and are clearly geared to promote chaos, panic, anarchy, fear, or confusion; and those participating in cyber incidents that make use or take advantage of the current crisis situation to prey on the public through scams, phishing, fraudulent emails, or other similar acts.”
Ang ipinakalat na issue tungkol sa diumano’y overpricing ng bigas, de lata, thermal scanner at iba pang mga medical item na nakabase lamang sa mga hindi na-verify na impormasyon at maling interpretasyon ay ating bibigyang linaw upang maalis ang pagdududa sa isip ng mga Fernandino sa ating lokal na pamahalaan.
Nakahanda ang administrasyong ito na sumailalim sa special audit dahil tanging ang Commission on Audit lamang ang makapagsasabi kung may anomalya ngang nagaganap sa isang ahensya. Ang special audit na ito ay isasagawa rin sa lahat ng tatlumpu’t-limang (35) barangay.
Ang resulta ng nasabing special audit ang siyang magiging basehan ng Syudad upang ilathala para sa bawat Fernandino ang mga kasalukuyan at na-implementang programa ng lokal na pamahalaan.
Maipagmamalaki natin na ang Syudad San Fernando ay may track record ng “Zero Disallowance” at taun-taong pagkakamit ng Seal of Good Financial Housekeeping.
Regular ang ating pagsusumite ng official report sa Commission on Audit (COA), Office of Civil Defense (OCD), para naman sa ating Calamity Fund Utilization bilang bahagi ng pagsunod natin sa full disclosure policy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan naka-post ang mga ito sa DILG Portal at sa official website ng City of San Fernando, Pampanga.
Nais ko rin pong ibahagi sa inyo na ang Syudad San Fernando ay isa sa dalawang component cities sa buong Pilipinas ang napili ng Government Procurement Policy Board (GPPB) dahil sa matagumpay nitong pagsunos sa Philippine Public Procurement system gamit ang itinalagang paraan sa ilalim ng umiiiral na mga batas. Isa po itong pagpapatunay na malinis ang ating proseso sa anumang aspeto ng ating pangongobyerno.
Akin ding binabalaan ang iba pang taong sangkot sa pagkalat ng fake news na nagu-upload o nagpo-post ng mga report at private message nang walang kaukulang pahintulot para sa paninira at malisyosong intensyong iligaw o linlangin ang publiko. Pag-aaralan ng ating legal department ang posibleng violations sa ilalim ng Data Privacy Act upang makapaghain ng reklamo sa kaukulang ahensya.
Mula umaga hanggang hatinggabi ay naghahatid ng serbisyo para sa pagkain at ayuda ang ating mga empleyado sa lahat ng 35 barangay. Sinisikap nilang magbahay-bahay para maihatid ang tulong sa ilalim ng community quarantine rules. Tinataya ng ating mga health worker ang kanilang buhay sa pagreresponde upang mailigtas ang karamihan bilang pagtupad sa kanilang tungkulin at misyon.
Araw-araw ay nagpa-plano at naghahanda para sa bagong hinaharap ang ating Executive Department. Para sa akin, sila ang mukha ng matibay na burukrasya sa Pilipinas. Maging ang Sangguniang Panlungsod, na akin ding pinamunuan sa loob ng tatlong (3) termino, ay isang iginagalang na institusyon sapagkat ito ang nagsisilbing boses ng mamamayang Fernandino. Pagkatapos ng masusing pagsusuri ng mga gastusin, naipasa ng Sangguniang Panlungsod (SP) ang Supplemental Budget No. 3 na naglalaman ng pondong gagamitin para sa COVID-19 response ng ating Syudad.
Muli, hinihingi ko ang inyong MALASAKIT para sa ating mga kapwa fernandino na mas nangangailangan; KOOPERASYON sa pagsunod sa ilalim ng quarantine rules; at, PAKIKIISA sa direksyon ng lokal na pamahalaan upang mapagtagumpayan natin ang krisis na ito.
Tayo ay nasa tamang direksyon sa pagsugpo ng sakit na COVID-19. Ang pamimigay ng relief at ayuda ay isa lamang sa mahahalagang tugon ng ating Syudad. Ang mabilis, ngunit ligtas, na pagbabalik ng kabuhayan at kagalingan ng bawat pamilya ang ating patuloy na pinagtutuunan ng pansin at idinadalangin.
Fernandino, ang labang ito ay laban nating lahat. Mananatiling “Fernandino ing Mumuna at Fernandino ing Manimuna” sa Laban Ng Bayan kontra COVID-19!
——-Mayor Edwin “EdSa” Santiago