Mga Moon Fish, ipinagkaloob sa walong lugar sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS —  May 2,500 na mga kahon ng isdang Moon Fish ang ipinadala ng Office of the Civil Defense o OCD, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, sa walong mga lugar sa Bulacan. 

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Felicisima Mungcal, natanggap ng OCD ang naturang mga kahung-kahon na mga isda mula sa Bureau of Customs. Ibinigay naman ito ng OCD sa DSWD upang maipamahagi. 

Tinukoy ng DSWD na mapagkalooban ang mga mamamayan ng Malolos, Meycauayan, Obando, Balagtas, Guiguinto, Paombong, Calumpit at Bustos.

Ipinaliwanag naman ni Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO Head Rowena Tiongson na bawat isang kahon ay naglalaman ng tig-10 kilo ng isdang Moon Fish.

Ang bayan ng Guiguinto ay pagkakalooban ng 316 na kahon habang tig-312 na mga kahon sa kada lugar na nabanggit. 

Nagbigay ng direktiba ang PSWDO sa mga city at municipal social welfare and development offices na maglagay ng sistema upang makapaghati-hati ang may tatlong mga pamilya sa isang kahon na nasa 50 mga isda ang laman. 

Sunud-sunod na ang pagdating sa Bulacan Capitol Gymnasium ng mga refrigerated container trucks na may lulan nitong mga isda. 

Mula doon ay isinasakay sa mga utility trucks ng mga natukoy na pamahalaang lungsod at bayan upang maihatid sa mga tahanan.

Samantala, ayon din kay Tiongson, naabot na ng Kapitolyo ang may 569 na mga barangay sa Bulacan sa ipinamamahaging mga food packs. 

Pumalo na sa isang milyon at 40 libo na mga food packs ang naipapamahagi mula noong Marso 12.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews