6 na lalawigan sa Gitnang Luzon, may 2nd tranche ng ayuda mula sa DSWD

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Ang mga naging benepisyaryo ng Emergency Subsidy Program o ESP sa anim na lalawigan sa Gitnang Luzon ay muling makakatanggap ng ayuda sa pangalawang pagkakataon mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, ang mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales ang mga mapagkakalooban ng pondo para sa second tranche ng ayuda.

Aniya, ang makakatanggap muli ng 6,500 piso ay ang kabilang sa nabigyan ng ayuda noong unang tranche na base sa balidasyon na ginawa ng DSWD ay kabilang sa mga kwalipikadong pamilya sa programa at walang duplikasyon na natanggap mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang din sa mabibigyan ang Certified List of Additional Beneficiaries o ang mga kwalipikadong benepisyaryo pero hindi nakasama sa first tranche at umapela sa kanilang lokal na pamahalaan.

Wala pang eksaktong petsa ang pamamahagi ng ayuda dahil isinasagawa pa ang  mga kinakailangang preparasyon kung saan may apat na hakbangin para sa balidasyon bago mapaglabas ng Final List na siyang magsisilbing listahan ng mga aprubado o eligible na mga benepisyaryo.

Ang naturang nasa listahan lamang ang gagawan ng payroll at ipapamahagi sa kanila ang ayuda sa pamamagitan ng digital payment at ng mga disbursing officer ng ahensya.

Dagdag ni Maristela, ang DSWD katuwang ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang mangunguna sa pamamahagi ng ayuda. 

Mananatiling nakaantabay ang Department of the Interior and Local Government at ang mga pamahalaang lokal upang magbigay ng kinakailangang suporta para mapabilis ang pamamahagi ng ayuda.

Paglilinaw ni Maristela, hindi pa rin kasama ang mga pamilyang may miyembrong nagtatrabaho sa pormal na sektor dahil ang ESP ay para sa 18 milyong mahihirap na pamilyang pinaka-naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine na kabilang sa impormal na sektor at nawalan ng pagkakakitaan.

Samantala, ang Aurora ang nag-iisang lalawigan sa rehiyon na hindi kabilang sa mga lugar na bibigyan ng pondo para sa ikalawang bugso ng ayuda, ngunit ang ilan sa mga kwalipikadong residente na hindi nakatanggap sa unang tranche ay mapapasama sa ilalim ng Certified List of Additional Beneficiaries.

Nasa 1,515,847 pamilyang hindi benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Gitnang Luzon ang kabuuang bilang para sa unang tranche ng ESP kung saan nasa 99.52 porsyento na ang nakatanggap ng nasabing ayuda. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews