LUNGSOD NG MALOLOS, Hunyo 9 (PIA) — Nakipagpulong ang pamahalaang panlalawigan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB at mga operator ng bus at dyip sa Bulacan upang talakayin ang mga plano para sa pagbabalik ng mga ito sa kalsada sakaling payagan nang makabyahe.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, layunin nito na hindi lamang kumita kundi para maprotektahan din ang buhay ng mga mamamayan dahil hindi pa natatapos ang laban kontra coronavirus disease.
Sinabi naman ni Jesus Sison ng LTFRB na limitado at kaunti pa rin ang maaaring bumiyahe na mga pampublikong sasakyan.
Anya, sinusunod kasi ang hierarchy of motor vehicles kung saan una ang bus pababa sa mga traditional nay unit ng dyip.
Apat na ruta din ang ni-rationalize kasama ang Baliwag to Monumento, Meycauayan to Monumento, San Jose del Monte at Angat to Monumento.
Sinabi ng mga operator na 510 na mga yunit mula sa 30 kumpanya ng bus at 19 na operator ang naaprubahang pumasada noong Hunyo 2, 2020 at sila’y sumusunod sa protocol gaya ng social distancing at disinfection.
Gayunman, humiling sila na sa halip na sa Angat hanggang Quezon Avenue ang ruta ay gawin na lamang itong mula sa Sapang Palay hanggang Quezon Avenue dahil sa dami ng mga pasaherong nagmumula sa nasabing terminal.
Hiniling din nila na mapag-aralan muli ang mga inilaang hintuan para sa mga bus upang maiwasan ang kumplikasyon.
Umapila naman si Billy Tatil, tagapangulo ng Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association, na kung maaari na silang makabiyahe sa mga looban hindi lamang sa mga national road.
Samantala, kaunti pa lamang ang napagkalooban ng special permit upang makapamasada hanggang sa Hunyo 30, 2020.