LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Magbabase sa certified list o clean list ng mga benepisyaryo ng Emergency Subsidy Program ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pagbibigay ng 2nd tranche ng ayuda.
Ang certified list o clean list ang pinal na listahan matapos ang pagsasagawa ng post-validation sa mga nakatanggap ng ayuda.
Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, layunin ng post-validation na suriin kung karapat-dapat ang benepisyaryo at kung walang duplikasyon sa natanggap na ayuda ng isang pamilya.
Paliwanag ni Maristela, isinasagawa ang balidasyon sa pamagigitan ng physical validation o pagpunta sa bahay ng benepisyaryo at remote validation o ibang pamamaraan na hindi kailangang magpunta sa bahay gaya ng pagtawag sa cellphone o pag-email at computer algorithm o pagsusuri sa impormasyon ng benepisyaryo sa Social Amelioration Card form.
Bukod dito, magsusumite rin ang Social Security System, Department of Labor and Employment, Department of Agriculture, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at iba pang ahensya ng listahan ng kanilang benepisyaryo sa DSWD upang i-cross match ang impormasyon ng mga nakatanggap ng ayuda.
Ani Maristela, tatanggalin sa certified list ang hindi kwalipikado at nakatanggap ng higit sa isang tulong-pinansyal mula sa DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno.
Hindi na rin muling makakatanggap ng 2nd tranche ng ayuda ang benepisyaryong napag-alamang hindi kwalipikado at nakatanggap ng higit sa isang ayuda.
Bukod dito, kailangan ding maibalik ang ayudang natanggap mula sa DWSD sa pamahalaang lokal. Maaaring padalhan ng demand letter ang sinumang tumanggap ng higit sa isang ayuda.