Pinangunahan ni Bataan Gov. Albert Garcia ang paglulunsad ngayong Huwebes ng RT-PCR (polymerase chain reaction) laboratory test center sa Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) sa Balanga City.
Dumalo rin sa pasinaya si Bataan Mayors League President at Dinalupihan Mayor Maria Angela Garcia, Capitol officials, mga kawani at opisyal ng naturang ospital.
“Layunin nating kaagad na matukoy ang mga posibleng positibo sa COVID-19 nang sa ganon, sila ay maisolate agad sa kanilang komunidad at mabigyan ng kinakailangang atensyong medikal,” pahayag ni Gob. Garcia.
Sa kasalukuyan, ang 1Bataan – BGHMC RT-PCR Laboratory katuwang ang GenExpert PCR machine ay may kakayahang makapagsagawa ng 250 test kada araw kung saan ang resulta ay malalaman sa loob ng 2 o 3 araw.
Dagdag pa ni Garcia, malaking tulong ito sa Bataan kaugnay ng unti-unting pagbabalik ng sigla ng ekonomiya sa Lalawigan.
Samantala, nagpaalala ang gobernador na huwag maging kampante at ituloy pa rin ang pagsusuot ng face mask, palaging paghuhugas ng kamay, social distancing at iba pang health protocols upang maiwasan ang pagkahawa sa Covid-19.
“Huwag nating isipin na nasa normal na tayo. Ituloy pa rin natin ang new normal,” paalala ng Gobernador.
Nagpasalamat din ang gobernador sa mga mamamayan ng Bataan sa kooperasyon dahil kahit paano’y naiwasan ang pagkalat ng corona virus.