LUNGSOD NG MALOLOS — Inialay ng mga Bulakenyo sa mga frontliners ng iba’t ibang propesyon sa paglaban sa sakit na coronavirus disease o COVID-19 ang pagdiriwang ng Ika-122 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sa ginanap na pagdiriwang sa may simbahan ng Barasoain, ipinaskil ng mga opisyal sa pangunguna ni Gobernador Daniel Fernando at Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian ang mga karatula ng pagpapasalamat sa mga frontliners matapos mag-alay ng bulaklak sa monumento ni Pangulong Emilio Aguinaldo at maitaas ang watawat ng Pilipinas.
Nakasaad ang dalawang salitang “Salamat Frontliners” na siyang diwa rin ng tema ng pagdiriwang ngayong taon na “Tungo sa Malayang Bansa, Nagbabayanihan, at Ligtas.”
Dito binigyang diin ni Fernando na walang makakapigil sa pagtataas ng bandila ng Pilipinas at sabay-sabay na lalaban sa sakit na ito.
Ibinalita rin niya na stable o matatag ang kalagayan ng Bulacan hinggil sa pagsugpo sa sakit na COVID-19.
Patunay aniya rito ang ilang araw nang hindi pagtaas ng bilang ng mga namamatay. Nakapako pa rin sa 31 ang bilang ng mga namatay mula pa noong isang linggo.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Gatchalian na ang ganap na Kalayaan sa sakit na COVID-19 ay nakasalalay sa pagbabayanihan at disiplina na makasunod sa mga alintuntunin para sa ikagagaling ng lahat.
Bukod dito, ibinalita rin ng punong lungsod na nilagdaan niya ang isang kapasyahan na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod na nagbibigay kapangyarihan na mapagkalooban ng tig-dalawang libong piso ang mga frontliners sa barangay bilang bahagi ng pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo ngayong may pandemya.