Pagbaha sa 10 bayan sa Bulacan, pinangangambahan

Sampung bayan sa lalawigan ng Bulacan ang lulubog sa malaking baha oras na bumigay o masirang tuluyan ang natitira pang limang rubber gate ng Bustos Dam o ang Angat Afterbay Regulatory Dam na sisira sa mga pag-aari, kabuhayan at kikitil ng maraming buhay.

Ayon kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Ricardo Visaya, hindi agad magagawa o mapapalitan ang nasirang Rubber Gate Bay 5 dahil anim na buwan pa mula ngayon darating ang materyales na ipapalit dito.

Dahil dito, nag-aalala si Bulacan Governor Daniel Fernando para sa mga Bulakenyo kung hindi ito agad makukumpuni  sa lalong madaling panahon sa pangambang baka ang natitira pang limang rubber gate ay tuluyan na ring masira.

Ito rin ang paniniwala ni Vice Governor Wilhelmino Sy-Alvarado kung saan sinabi nito sa kaniyang speech sa nakaraang session sa Sangguniang Panlalawigan na kapag bumigay o tuluyan na ring masira ang lahat ng rubber gate ng Bustos Dam ay inihalintulad nito na isang “delubyo” ang magaganap kung saan lulubog napakalaking pagbaha ang mga bayan ng Bustos, Plaridel, Pandi, Bocaue, Guiguinto, Balagtas, Bulakan, Malolos, Calumpit at Hagonoy. 

“This is a gross and inexcusable negligence that may lead to the loss of hundreds of thousands of lives and  a “delubyo” (catastrophe) might happen if this defective materials will not be replaced,” ayon kay Alvarado.

Kamakailan ay pinangunahan ni Fernando kabilang ang mga concerned agencies gaya nina NIA Administrator Visaya; NIA Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector C’zar Sulaik; Region 3 NIA Director Josephine Salazar; Contractor Isidro Pajarillaga ng  ITP Construction Inc.-Guangxi Hydro Electric Construction Bureau Co. LTD. (GHCB) Consortium kasama rin si Bustos Mayor Francis Albert Juan; mga head departments ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, Agriculture, Engineering and Provincial Administrator’s Office ang isinagawang actual ocular inspection sa Bustos Dam. 

Ikinalungkot ng gobernador ang pahayag ng NIA at ng kontraktor ng rehabilitasyon ng Bustos Dam dahil sa aabutin pa hanggang Disyembre o unang buwan ng taong 2021 upang mapalitan ang depektibong rubber gate kung saan hindi pa tiyak kung pati ang limang natitirang mga rubber gates ay kasamang papalitan ng contractor.

Kung magkakagayon, aabutin ng tag-ulan at mga bagyo ang dadaan muna na posibleng magpalala ng sitwasyon o kalagayan ng Bustos Dam, ayon kay Fernando.

Paliwanag ni NIA administrator Visaya, mayroong mga prosesong isasagawa kung kayat aabutin ng hanggang anim na buwan bago mapalitan ang rubber gate kabilang na dito ang isasagawang pagsusuri at testing sa ipapalit at ito ay sa ibang bansa pa isasagawa.

Nais ni Fernando na palitan nang lahat ang anim na rubber gates dahil paliwanag nito posibleng rin aniyang magkakatulad ng kalidad o quality ang lahat ng ikinabit na rubber gates na made in China at maaari hindi rin aniya tumagal ang mga ito.


Hindi naman tinukoy ni Visaya kung saan gawa o manggagaling ang ipapalit na materyales basta ang importante aniya ay pasado ito sa parameter at specs at sa isasagawang pagsusuri at testing.

“Buhay at kabuhayan ng mga Bulakenyo ang nakasalalay dito, kaya naman patuloy tayong nananawagan sa pamunuan ng NIA at sa contractor nito na madaliin ang pagkumpuni ng Bustos Dam.. kailangan nilang umaksyon agad,” ani Fernando.

Hiling ng gobernador na Japan o Germany made sana ang ipalit dito at huwag nang gawa mula sa bansang China.

Ayon naman kay Lauro Ballesteros, Bulacan, Aurora, Nueva Ecija (BANE)-Irrigation Management Office manager, pansamantalang nilagyan ng  sheet file ang nasirang bahagi ng Gate Bay 5 na suportado ng mga sandbag.

“As per recommendation of Vice Governor Alvarado, binago namin ang protocol ng dam at ibinaba ang level ng tubig upang hindi na mapuwersa ang mga rubber gates,” Ballesteros said.

Ang nasabing Bustos Dam rehabilitation works ay nai-bid noong 3rd quarter ng 2016 na nagkakahalaga ng P1 Billion kabilang na dito ang pag-kongkreto ng mga main canals.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews