LUNGSOD NG CABANATUAN — Pagtutulungan ng Department of Trade and Industry o DTI at pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na ilapit sa mamimili ang mga produkto ng Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, layunin nitong umagapay sa mga MSMEs lalo ngayong panahon ng krisis dulot ng COVID-19.
Ang rolling store ay isa lamang sa nakikitang pamamaraan upang lumawak at ilapit sa merkado ang mga sariling gawang produkto ng mga nag-nenegosyo sa lalawigan.
Batay sa tala ng ahensya ay mayroong 26 na food manufacturing MSMEs sa Nueva Ecija ang inaasahang matutulungan ng programa sa pagbebenta ng mga gawang produkto na iikot sa iba’t ibang munisipyo at lungsod.
Target na masimulan ang rolling store sa darating na Hulyo na magpapatuloy hanggang sa buwan ng Disyembre.
Paglilinaw naman ni DTI Nueva Ecija Consumer Protection Division Chief Romeo Faronilo, magkaiba ang rolling store sa Diskwento Caravan na taun-taon ay idinaraos ng ahensya sa paghahatid ng mga abot kayang bilihin sa mga malalayong lugar sa Nueva Ecija.
Mayroong Diskwento Caravan ang DTI sa pakikipagtulungan sa pamahalaang bayan ng Aliaga na target maidaos ngayong Hunyo o sa susunod na buwan.
Pahayag ng ahensya, ipatutupad sa mga nakalinyang proyekto ang mga health protocol gaya ng physical distancing at pagsusuot ng personal protective gears bilang pag-iingat na makaiwas sa direktang pakikisalamuha.