Ayuda ipinagkaloob sa mga biktma ng sunog sa Balagtas

Tumanggap ng ayuda o tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga biktima ng sunog kamakailan na ikinasawi ng isang 60-anyos na ginang sa bayan ng Balagtas kung saan si Governor Daniel Fernando mismo ang naghatid nito sa mga pamilyang nasunugan.
Lubos naman ang pasasalamat ni Calixto Villasenor, 67,  asawa ng nasawing si Elma, 60, ng Barangay Wawa.

“Talaga pong masakit at mahirap sa ‘min ‘yung nangyari. Wala po talagang natira, pero anumang natanggap namin ay ipinagpapasalamat ko,” ani Villasenor.

Ayon sa tanggapan ng Provincial Fire Marshall (OPFM)  ang biktima na si  Elma ay isang stroke patient na na-trap sa makapal na usok at namatay kasama ng nasunog nilang bahay.

Binisita mismo ni Fernando ang siyam na pamilyang nasunugan sa pansamanalang shelter nito sa Barangay Wawa Hall at tumanggap ang bawat pamilya ng financial assistance mula sa sariling bulsa ng gobernador kasama ang mga sako-sakong bigas, mga gamit at pinoproseso na rin ang P10,000 cash aid mula sa pamahalaang panlalawigan.

“Nauunawaan natin ang nararamdaman ng ating mga kababayan dahil napakahirap talagang masunugan, kaya bukod sa mga ibinigay na natin, titingnan natin kung paano pa sila matutulungan, ” ayon kay Fernando.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews