Pagiging frontliner ni Rizal, patuloy na gawing inspirasyon – NHCP

LUNGSOD NG MALOLOS, Hunyo 19 (PIA) — Hinikayat ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang mga Bulakenyo na patuloy na gawing inspirasyon ang pagiging isang frontliner ni Jose P. Rizal, sa kanyang panahon bilang doktor ngayong patuloy ang laban sa COVID-19.

Sa isang tahimik at simpleng pag-alaala ng mga Bulakenyo sa Ika-159 Taong Anibersaryo ng kanyang kapanganakan sa Casa Real de Malolos, ipinahayag ni museum curator Nett Jimenez na hindi nalalayo ang naisin ng mga kasalukuyang frontliners sa mga naging adhikain ni Rizal sa kanyang kapanahunan.

Kagaya aniya ng mga doktor, nars at iba pang frontliners ngayon, kapwa pareho sila ni Rizal na para sa ikabubuti ng mga sambayanang Pilipino ang iniisip sa pagtupad sa tawag ng tungkulin sa gitna ng panganib. 

Binigyang diin pa ni Jimenez na makatwirang maalala si Rizal sa panahon ngayon bilang isang manggagamot bilang patuloy na pagpupugay din sa mga frontliners. 

Kaugnay nito, kinatigan ni Provincial Health Office  head Jocelyn Gomez, pinuno at isa ring opisyal ng Philippine Medical Association o PMA Bulacan Chapter ang tinurang ito ng NHCP. 

Ayon sa kanya, lalong lumalakas ang pagiging inspirasyon ni Rizal sa lahat ng uri ng mga frontliners na humaharap sa panganib na dala ng pandemya. 

Tulad ni Rizal, maituturing din aniyang mga bayani ng ating panahon ang mga frontliners sa nasabing pandemya dahil sa walang maliw na pagganap ng tungkulin kahit na nakataya ang mismong buhay. 

Hinikayat din ni Gomez ang karaniwang mga Bulakenyo na mag-ambag sa pagpuksa sa COVID-19 sa pamamagitan ng patuloy na pananatili sa loob ng bahay. 

Magandang halimbawa rin aniya ito sa mga isinulat at aral ni Rizal na ang bawat mamamayan ay gumanap sa kanya-kanyang tungkulin alang-alang sa kapakanan ng bayan at ng sambayanan. 

Taun-taon na ginaganap sa Casa Real de Malolos ang mga mahahalagang petsa na may kinalaman kay Rizal. 

Dito naganap ang unang paggunita sa kanyang kamatayan noong Disyembre 1898 sa utos ni noo’y Pangulong Emilio Aguinaldo, kung saan idineklara niya na ang araw ng kamatayan ni Rizal, Disyembre 30, ay maging araw ng pagluluksa.

Naganap ito sa Malolos nang ito ang kabisera ng unang Republika sa ilalim ng administrasyong Aguinaldo. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews