LUNGSOD NG CABANATUAN — Prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang pagsusulong ng mga proyektong pangkabuhayan.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, ito ang tututukan ng kapitolyo bilang nakikitang pamamaraan upang makatulong sa dami ng mga kababayang nangangailangan o mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa suliraning dulot ng COVID-19.
Kabilang rito ang micro-layering, aquaponics at gulayan na maaaring maging alternatibong hanapbuhay o pagkakakitaan.
Katuwang ang mga ahensya ng pamahalaang nasyonal gaya ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Carabao Center at iba pa ay titiyaking magiging kapakipakinabang ang mga isinusulong na programang pangkabuhayan.
Kaugnay nito ay ipinahayag ni Umali ang naising maituloy ang pagpapatayo ng farm village upang pagsasama-samahin ang mga naturang proyekto na layong maipakita na kakayanin ng isang komunidad na magkaroon at masustentuhan ang mga pangangailangan sa pamumuhay.
Paliwanag naman ni Provincial Malasakit Livelihood Program Manager Jayson De Guzman, ang bawat module ng micro-layer project ay mayroong 48 manok na kayang umani ng isa’t kalahating tray ng itlog sa isang araw, katumbas ang nasa 150 hanggang 200 pisong kita.
Sa unang buwan ng pangangalaga ng mga manok ay sinasagot ng pamahalaang panlalawigan ang pangtustos sa mga gastusin sa programa.
Kaniya ding ibinalita na sa kasalukuyan ay nasa 100 module na ng micro layer project ang naipamahagi ng pamahalaang panlalawigan na layuning makapagbigay ng 1,000 module bago matapos ang 2020.
Kabilang din sa mga isinusulong na livelihood program ng kapitolyo ang aquaponics na kombinasyon ng gulayan at pag-aalaga ng mga isda, shell fish o hipon.
Bukod pa aniya rito ang gulayan sa bakuran project na pagpapamahagi ng high value crop seedlings sa mga may lupa na 150 hanggang 300 square meters na kung aani ay maaaring kumita ng apat na libong piso kada buwan depende sa presyo ng gulay na ibebenta.