LUNGSOD NG MALOLOS — Bukas ang aplikasyon para sa Calamity Loan Assistance Program o CLAP ng Social Security System o SSS hanggang Setyembre 14 para sa sinumang miyembro na naapektuhan ng husto sa umiiral na community quarantine dahil sa pandemya sa COVID-19.
Ayon kay SSS Baliwag branch manager Marites Dalope, hindi na kailangang personal na sumadya sa mga sangay ng SSS upang magsumite ng aplikasyon sa CLAP.
Kinakailangan lamang na magrehistro sa www.sss.gov.ph at pumunta sa My.SSS facility link upang makapagsumite ng aplikasyon. Doon din malalaman kung aprubado o hindi ang aplikasyon
Sinumang miyembro ng SSS ay pwedeng makahirap sa CLAP basta’t may kontribusyon sa nakalipas na 36 na buwan. Dapat ding walang pagkakautang sa anumang uri ng pautang ng SSS.
Ipinaliwanag pa ni Dalope na ang halaga ng maaring mahiram ay ibabase sa one monthly salary credit o MSC.
Pinalawig naman ang panahon ng pagbabayad sa mga makakahiram sa CLAP sa loob ng 27 buwan kung saan kasama na rito ang tatlong buwan na moratorium period.
Magsisimula ang pagbabayad sa ikaapat na buwan mula nang maaprubahan ang aplikasyon sa CLAP habang ang deadline ay bago o sa huling araw ng itinakdang buwan.
Papatawan lamang ng isang porsyento na service fee ang halaga ng nahiram na pera kapag ito’y natanggap. Nasa anim na porsyento per annum naman ang interest rate.
Kaugnay nito, ang mga maaaprubahang aplikasyon para makahiram sa CLAP ng SSS ay maraming pagpipilian kung paano maipapadala o matatanggap ang inutang na pera.
Una na riyan ang pagpapadala ng tseke sa mismong tahanan ng nanghiram kaya’t mahalagang itala sa online application ang kabuuang home address.
Pwede ring ma-withdraw ang pera sa pamamagitan ng Unified Multipurpose Identification Card na may probisyon bilang isang automated teller machine.
Katuwang ng SSS ang iba’t ibang financial institutions gaya ng kapwa government financial institution na Development Bank of the Philippines na pwedeng pagkuhanan ng perang hiniram sa ilalim ng CLAP. Maari ring kuhanin ito sa mga pribadong banko na accredited ng SSS.
Ang CLAP ay binuksan ng SSS sa pamamagitan ng Circular No. 2020-013 sa bisa ng Social Security Commission (SSC) Resolution No. 205 series of 2020, na inamyendahan ng SSC Resolution No. 235 series of 2020, 236 series of 2020 at SSC Resolution No. 237 series of 2020.
Ito ay bilang pagtugon na makapagbigay ng pag-agapay sa mga miyembrong lubos na naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19.