Terminal ng Meycauayan, bagong ‘jump-off’ point ng mga bus

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Nagsilbing bagong “jump-off” point ng mga bus galing ng Nueva Ecija, Tarlac at papuntang Metro Manila ang Meycauayan Transport Terminal Complex, ngayong nagbukas ng mga bagong ruta ng bus ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Ayon kay LTFRB spokesperson Megan Dela Cruz, sa pagbubukas ng mga bagong ruta ng bus mula sa Tarlac at Nueva Ecija papuntang lungsod ng Meycauayan, sa terminal na ito magbababa ang mga bus ng mga pasaherong paluwas sa Metro Manila. Dito rin sila lilipat ng sasakyang bus na paluwas naman.

Bukas na ang rutang Meycauayan-Monumento sa pamamagitan ng Bataan Transit na pinagkalooban ng LTFRB ng special permits upang makabiyahe. 

Ayon kay Mariano De Guzman, dispatcher ng Bataan Transit na nakadestino rito, may 46 na mga bus nila ang nabigyan ng special permits para sa nasabing ruta. Mayroon itong biyahe mula alas-singko ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi.

Pinaghahatian naman ng mga kompanyang Five Star, Luzon Cisco at Baliwag Transit ang mga biyahe papuntang Nueva Ecija at Tarlac mula rito sa Meycauayan Transport Terminal.

Ayon kay Rex Castro, master ng Luzon Cisco, mayroon mga biyahe mula sa Meycauayan Transport Terminal na papuntang Cabanatuan City, Talugtog at San Jose City sa Nueva Ecija at Moncada sa Tarlac. Ang mga biyahe nito ay mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. 

Ang biyahe ng CISCO papuntang Cabanatuan ay dumadaan sa Plaridel Bypass Road palabas sa Daang Maharlika kung saan tinatahak ang mga bayan ng San Rafael, San Ildefonso, San Miguel sa Bulacan; Gapan at San Leonardo sa Nueva Ecija hanggang sa Cabanatuan.

Dadaan naman sa North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX ang biyahe ng CISCO na papuntang Moncada na may stop-over sa Dau sa Mabalacat.

Nagsimula na rin ang biyahe ng Baliwag Transit mula sa Meycauayan Transport Terminal papuntang San Jose City, Nueva Ecija. May inisyal itong tig-dalawang biyahe sa nasabing ruta. 

Mayroong biyahe na alas-diyes ng umaga at alas-tres ng hapon mula Meycauayan City papuntang San Jose City habang ang pabalik na biyahe ay kinabukasan ng alas-singko ng umaga at alas-sais y medya ng umaga. 

Ang ruta nito ay mula sa Meycauayan Exit ng NLEX at lalabas sa La Paz Exit ng SCTEX. Mula roon ay tatakbo papuntang Sta. Rosa, Nueva Ecija at babaybayin ang kahabaan ng Daang Maharlika kung saan madaanan nito ang Cabanatuan City at Science City of Munoz hanggang makarating sa San Jose City.

Samantala, ang mga biyahe ng Five Star mula Meycauayan Transport Terminal papuntang Moncada, Tarlac ay alas-tres ng hapon at alas-kwatro ng hapon habang ang biyahe mula Moncada pabalik sa Meycauayan Transport Terminal ay kinabukasan ng alas-sais ng umaga at alas-otso ng umaga. Dadaan ito sa NLEX at SCTEX na may stop-over sa Dau sa Mabalacat.

Para sa biyahe nito na mula Meycauayan Transport Terminal papuntang Cabanatuan City, mayroon itong biyahe na alas-diyes ng umaga, alas-dose ng tanghali at alas-dos ng hapon. 

Ang pabalik naman mula sa Cabanatuan City ay kinabukasan ng alas-singko alas-siyete at alas-otso ng umaga. May inisyal na tatlong bus units ang gagamitin dito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews