8 Locally Stranded Individuals sa NCR, inuwi sa Gitnang Luzon

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — May kabuuang walong Locally Stranded Individuals o LSIs sa National Capital Region o NCR ang tinulungang makauwi ng pamahalaan sa kani-kanilang tirahan sa Gitnang Luzon.

Ayon kay Regional Task Force Against COVID-19 Chairperson at Office of Civil Defense Regional Director Maria Theresa Escolano, layunin ng Hatid Tulong Initiative sa pangunguna ng Tanggapan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas na magbigay ng libreng sakay pauwi sa mga LSI na naabutan ng Community Quarantine sa NCR. Kabilang na dyan ang mga estudyante, manggagawa at turista.



Target ng Hatid Tulong Initiative na maiuwi ang may humigit kumulang 5,000 LSIs sa kani-kanilang probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao. 

Nitong weekend, nagkaroon ng Grand Send-Off sa Quirino Grandstand na dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sa walong LSI na umuwi sa Gitnang Luzon, tatlo ang taga Zambales, dalawa mula sa Tarlac, at tig-isa mula sa Aurora, Nueva Ecija at lungsod ng Angeles. 

Sila ay ibinaba sa Dau Bus Terminal at doon ay sinundo ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga disaster risk reduction and management offices.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews