NORZAGARAY, Bulacan — Pormal nang pinasinayaan ang bagong baon na 6.3 kilometrong Tunnel 4 sa Ipo Dam na bahagi ng Angat Water Transmission Improvement Project o AWTIP ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS.
Pinangunahan ang pagpapasinaya ni MWSS Vice Chairperson Emmanuel Salamat sa 3.29 bilyong pisong proyekto na pinondohan sa tulong ng Asian Development Bank.
Nagsimula ang proyekto noong taong 2016 kung saan sinimulang ibaon ang Tunnel 4 na may internal span diameter na apat na metro. Ito’y upang makapagpadaloy ng karagdagang 19 cubic meters per second o cms na tubig mula sa Angat Dam.
Ayon kay Salamat, hinukay ang pinagbaunan ng Tunnel 4 sa pamamagitan ng modern mechanized double blade tunnel boring technology sa lalim na 200 metro. Yari ito sa precast concrete na may laman na steel reinforcement upang maging matatag sa malakas na pwersa ng dadaloy na tubig.
Kalakip ng pagbabaon ng Tunnel 4 ang pagpapatatag sa istraktura ng Ipo Dam reservoir, panibagong transition basin sa Bigte sa Norzagaray, slope protection works o dike para hindi gumuho ang lupa sa Ipo Dam na posibleng magpababaw dito, tubo na nagdudugtong mula sa Aqueduct 5 papunta sa Tunnel 4 at pagdudugtong ng mga bagong transition basin para sa maayos na pagpapadaloy ng tubig sa mga tunnel nitong dam.
Ipinaliwanag ni Salamat na bukod sa magbibigay ng karagdagang suplay ng tubig mula sa Angat Dam ang Tunnel 4 ng MWSS, magsisilbi rin itong alternatibo at permanenteng tubo upang hindi maputol ang suplay ng tubig sa Bulacan at Metro Manila kapag isinailalim sa rehabilitasyon ang mga lumang tunnel 1, 2 at 3 nito.
Kaugnay nito, sa pagsisimula ng operasyon ng Tunnel 4, ang karagdagang 19 cms na mahihigop na tubig mula sa Angat Dam patungo sa Ipo Dam ay pakikinabangan ng mga konsesyonaryo ng MWSS gaya ng 12 mga water districts sa lalawigan na naseserbisyuhan na ng Bulacan Bulk Water Supply Project.
Gayundin ang mga water concessionaires na nagbibigay ng suplay ng tubig sa west at east zones ng Metro Manila. Katumbas ito ng may 1,600 milyong litro ng tubig kada araw.