Mga magtatrabaho sa pagtatayo ng Bulacan Airport, sasanayin ng TESDA

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakatakdang magsanay ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ng mga manggagawa sa larangan ng equipment operator, carpentry, welding, cementing at asphalting bilang paghahanda sa pagsisimula ng pagtatayo ng New Manila International Airport o NMIA sa bayan ng Bulakan.

Ayon kay TESDA Provincial Director Jovencio Ferrer, kinatuwang ng San Miguel Aerocity Inc. ang ahensya upang maging malawakan ang pagsasagawa ng mga pagsasanay at matiyak ang kasapatan ng mga manggagawang magtatayo sa proyekto.

Ipinaliwanag niya na aabot sa 20 libong manggagawa araw-araw ang kailangan ng konsesyonaryo upang maitayo ito.

Magiging puspusan na ito ngayong aprubado na ng Board of Investments ang pormal na pagpasok ng 530.8 bilyong pisong pamumuhunan ng San Miguel Aerocity Inc. sa Bulacan na pinakamalaki sa anumang uri ng pamumuhunan nitong unang bahagi ng 2020.

Base sa presentasyon ni San Miguel Holdings Corporation Chief Finance Officer at Treasury Head Raoul Eduardo Romulo sa kanyang pagharap sa Bulacan Chamber of Commerce and Industry kamakailan, ilalagay ito sa bubuuing 2,500 ektaryang Bulacan Aerotropolis City kung saan magiging sentro ang naturang 16.5 na ektaryang international airport building.

Magiging isang mix-use facilities ang kinonseptong aerotropolis kung saan pagtatayuan ng mga institutional zones, government center, residential zones at ang shoreline expressway o ang daan na mag-uugnay mula sa NMIA sa Radial Road 10 o R-10 sa tabi ng Manila Bay. Target matapos ang unang bahagi ng proyekto sa susunod na apat hanggang anim na taon.

Samantala, bukod sa walong-kilometrong expressway mula NLEX papuntang NMIA at ang shoreline expressway mula sa NMIA papuntang R-10, may 20 pang bagong expressways ang inihahandang ipatayo ng konsesyonaryo papunta at palabas sa NMIA. 

Kabilang dito ang Bataan-Bulacan Airport Expressway, Bulacan-Tarlac Airport Expressway at ang NMIA-Skyway 3 interlink expressway. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews