SEC: Maging mapanuri sa mga nag-aalok ng pamumuhunan

LUNGSOD NG CABANATUAN — Nagpaalala ang Securities and Exchange Commission o SEC na maging mapanuri sa mga nag-aalok ng pamumuhunan.

Ayon kay SEC Tarlac Extension Office Information Officer Mia Rose Torres, mahalagang magsiyasat mabuti bago magtiwala sa mga nag-aalok ng pagkakakitaan lalo sa panahong itong nananatili ang krisis ay laganap ang mga nanloloko para kumita.  

Magkakaiba aniya ang pamamaraan ng mga kawatan sa panloloko ng tao na ang iba ay nanghihikayat sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga produkto na magiging malaki ang kita kung sasali sa negosyo. 

Mayroon namang nagsasabi na magiging malaki ang balik ng puhunan makalipas ang ilang linggo na kakayaning makabili ng sariling sasakyan, bahay, at iba pa. 

Ang pyramiding scheme ang isa sa kilalang investment scam na mula sa pag-anyaya ng tao ay kikita na agad ng pera. 

Pahayag ni Torres, dapat pagdudahan ang mga ganitong panghihikayat na hindi na makatotohanan ang mga resulta ng pagnenegosyo. 

Maging matalino aniya ang lahat sa paggamit ng sariling pera na pinaghirapan mula sa paghahanapbuhay upang hindi mabalewala ang lahat ng mga pinagsumikapan. 

Payo ni Torres, maaaring magsumbong sa tanggapan kung makakasalamuha ng mga kagayang transaksiyon o mabiktima ng mga panloloko. 

Kaniyang paglilinaw, regular na naglalabas ng abiso ang SEC hinggil sa mga kumpanyang ipinasasara dahil sa mga ilegal na gawain o transaksiyon upang makaiwas na ang publiko na maging biktima. 

Maaari din aniyang i-verify muna sa tanggapan ang mga kumpanyang nag-aalok ng pamumuhunan bago pumasok sa kasunduan upang matiyak na ligtas ang papasuking negosyo. 

Magpadala lamang ng mensahe sa [email protected] o kaya ay tumawag sa himpilang (045) 491-0140. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews