PRC, umagapay sa 869 pamilyang Bulakenyo ngayong pandemya

LUNGSOD NG MALOLOS, — Nagkaloob ng Multipurpose Cash Aid ang Philippine Red Cross o PRC sa 869 na pamilyang Bulakenyo pinaka-naapektuhan ng pandemyang coronavirus disease o COVID-19.

Tatlong uri ng ayuda ang ipinagkaloob ng PRC na nagkakahalaga ng 3,500 piso bawat pamilya.

Ayon kay Bulacan 2nd district representative at PRC Bulacan Chapter chairperson Lorna C. Silverio, nagmula ang pondo sa 70 milyong piso na inilaan ng International Federation of Red Cross para sa buong bansa.

Kabilang dito ang 91 na socially vulnerable na pamilya na may kaanak na tinamaan ng COVID-19. 

Bukod sa cash aid, may pasunod pa itong food assistance na makokonsumo sa loob ng 14 na araw. 

May 522 namang mga socially vulnerable na pamilya na walang kaanak na nagkaroon ng COVID-19 pero walang kabuhayan at walang kakayahang magtrabaho nang pisikal. Pinagkalooban din sila ng 3,500 pisong cash aid.

Ang isa pang 256 na socially vulnerable ay mga pamilyang may kaanak na nahinto sa trabaho nang ipinairal ang mga community quarantine partikular na ang mga nasa uri ng trabaho na “no work, no pay” scheme. 

Pinagkalooban sila ng cash aid sang-ayon sa lumabas na profiling and needs assessment. 

Bukod dito, isinailalim sila sa conditional cash grant kung saan binigyan sila ng pitong araw na trabaho na may sahod 500 piso kada araw.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Silverio na ito ay pagtugon ng PRC sa prinsipyo nitong kusang-loob, malasakit at pakikipag-kapwa tao. 

Pinayuhan din niya ang mga benepisyaryo na huwag umasa lamang sa mga ayudang ipinagkaloob, kundi ito’y gawing panimula at palaguin upang hindi maging palaasa at palasisi.

Samantala, sinabi ni PRC Bulacan Chapter Administrator Ricardo Villacorte na napili ang mga benepisyaryo base sa pagsusuri ng mga barangay response committee ng PRC. 

Unang naging benepisyaryo sa Bulacan ang 100 mga pamilya mula sa barangay Bagna at Balite sa lungsod ng Malolos. (

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews