P1.9-M halaga na mga buto ng gulay, pataba ipinamahagi ng DAR

LUNGSOD NG CABANATUAN, Nueva Ecija – Nasa 1.9 milyong pisong halaga na mga buto ng gulay at pataba ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform o DAR sa Nueva Ecija.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I Jocelyn Ramones, sakop ito ng farm productivity assistance na bahagi ng “The PaSSOver: ARBold Move for the Deliverance of our Farmers from the COVID-19 Pandemic” na isinusulong na programa ng ahensya ngayong panahon ng krisis. 

Maliban sa iba’t ibang klaseng binhi ng mga gulay ay kasama ding ipinagkaloob ng DAR ang mga seedling tray at pataba sa 881 magsasaka sa lalawigan.

Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng pitong pack na binhi ng iba’t ibang uri ng gulay, pitong seedling tray at pataba. 

Pahayag ni Ramones, aabot sa 44 ektaryang bukirin ang kayang matamnan ng mga ipinamahaging buto ng gulay sa iba’t ibang lugar sa Nueva Ecija. 

Ngayon aniya mas nararamdaman ang kahalagahan ng gampanin ng mga magsasaka na maituturing na mga bayani hindi lamang sa pagharap sa pandemiyang nararanasan ng bansa kundi bilang mga haligi o pundasyon ng ekonomiya. 

Kung kaya’t mananatili aniyang sumusuporta at aagapay ang ahensiya upang makatulong sa mga pangangailangan ng mga magsasaka na kanilang mapalago at maipagpatuloy ang kanilang pagsasaka.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews