LUNGSOD NG MALOLOS — Naitawid ng Abot Kamay Ang Pagtulong o programang AKAP ng Department of Labor and Employment o DOLE ang mga gastusin ng mga Bulakenyong Overseas Filipinos na nahinto sa trabaho at nauwi sa Pilipinas sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay DOLE Bulacan mediator arbiter Erwin Angeles, may 3,568 na Bulakenyong Overseas Filipinos ang nakapagkalooban ng AKAP na nagkakahalaga ng tig-10 libong piso.
Nagmula aniya ito sa pondo ng na inilaan sa DOLE sa bisa ng Bayanihan to Heal as One Act o ang Republic Act 11469. Ipinatupad ito sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration.
Kabilang sa mga “na-AKAP” ng DOLE si Marites Castro, isang flight attendant sa isang five star airline na taga barangay Pungo sa bayan ng Calumpit.
Nahinto siya sa pagtatrabaho mula nang naging limitado ang mga international flights noong kasagsagan ng mas mahihigpit na community quarantine mula noong Marso 16.
Si Castro ay may isang dekada nang nagtatrabaho sa isang five star airline sa Gitnang Silangan.
Paglalahad ni Castro, nang agaran siyang umuwi sa bansa noong mismong Marso 16, napilitan siyang magsumite ng unpaid leave hangga’t hindi pa makakapasok.
Inabisuhan siya ng kanyang airline company na sa Agosto 1 pa uubrang magpabalik ng mga flight attendant sa trabaho sa mga tinaguriang “low risk countries.”
Nang mabalitaan ang ipinamamahaging AKAP ng DOLE, agad siyang nagsumite ng aplikasyon upang makatamo nito.
Kinumpirma ang kanyang aplikasyon noong Abril 23 at nitong Hunyo 9 ay inabisuhan siyang pwede nang makuha ang ayuda.
Ginawa niyang prayoridad na malaanan ng natanggap sa matrikula sa pag-aaral at iba pang pangangailangan ng kanyang anak na Grade 4 sa pasukan.
Binigyang diin ni Castro, na bilang isa ring solo parent, bagama’t katumbas ng nasa 10 posyento ng kanyang aktuwal na sahod ang ipinagkaloob na AKAP, malaki aniya ang kanyang pasasalamat dahil naitawid nito ang buhay nilang mag-ina sa panahon ng community quarantine.