LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang nagbukas ang Negosyo Center sa bayan ng Bustos.
Ito na ang ika-17 Negosyo Center sa probinsya na higit na magpapalakas sa kakayahan ng mga micro small and medium enterprises o MSMEs.
Ayon kay Department of Trade and Industry o DTI Bulacan director-in-charge Ernani Dionisio, maaaring ma- avail sa Negosyo Center ang mga serbisyo binibigay ng kanilang ahensya tulad ng business name registration, business advisory, business information and advocacy at monitoring at ebalswasyon ng business process improvement.
Sa isang pahayag, nagpapasalamat si Mayor Francis Albert Juan sa tulong na ito ng DTI. Aniya, isa itong hakbang upang umagapay sa mga MSMEs na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Kasabay ng pagbubukas ng pasilidad ang pamamahagi sa mga benepisaryo ng Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay kung saan limang Bustosenyo ang tumanggap ng tig-limang libong pisong halaga ng livelihood kits.
Ilan sa mga laman ng kits ang aluminum and glass works tools, mushroom chips processing supplies, sidecar para sa electronic supply and services, tube ice processing at canteen supplies.