Naitatayo sa North-South Commuter Railways Project, nasa 39.70%

LUNGSOD NG MALOLOS — Umakyat na sa 39.70 porsyento ang nagagawa sa pagpapatuloy ng konstruksyon ng proyektong North South Commuter Railways o NSCR ng Philippine National Railways o PNR.

Iyan ang inulat ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran ngayong nasa ikaapat na taon na ang administrasyon ni Pangulong Duterte.

Nagbalik na sa paggawa ang mga tauhan ng mga kontratista ng proyekto mula nang mahinto noong isinailalim ang Luzon sa Enhanced Community Quarantine nitong Marso.

Sa Malolos, nagsisimula nang maitayo ang unang mga poste para sa istraktura ng magiging Malolos Station na nasa tapat ng mini forest ng Kapitolyo ng Bulacan. 

Ito’y matapos maibaon ang mga pundasyon ilang linggo bago pansamantalang mahinto ang konstruksiyon.

Sa Balagtas, nakatayo na ang mga poste na pagpapatungan ng concrete girder na lalatagan ng salubungang riles ng tren. 

May nangyayari na ring pagpupundasyon sa bayan ng Bocaue habang nagsisimula na ang pagtatambak ng lupa sa right-of-way ng proyekto sa bandang Marilao.

Nasa kasagsagan naman ang pagbabaon ng mga pundasyon sa bahagi ng lungsod ng Meycauayan partikular na sa paligid ng dating istasyon ng tren. 

Kalakip ng mga pagawaing ito ang pagsisimula ng preserbasyon ng mga dating istasyon ng PNR sa Malolos, Guiguinto, Bigaa sa Balagtas at sa Meycauayan na taong 1892 pa mga naitayo.

Ang NSCR project na tinatawag ding PNR Clark 1, ay bubuhay sa dating ruta ng PNR mula sa Tutuban hanggang sa lungsod ng Malolos na may habang 38 kilometro. 

Nagkakahalaga ang proyekto ng 106 bilyong piso kung saan 93 bilyong piso ang pinondohan ng Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency o JICA. Ang halagang 13 bilyong piso ay inilaan ng pamahalaan ng Pilipinas.

Base rin sa ulat ni Libiran, target ang partial operability nito sa huling bahagi ng taong 2021. 

Ikakabit ang proyekto sa NSCR Phase 2 na babaybay mula sa Malolos at Calumpit sa Bulacan patungo sa Clark International Airport. May haba naman itong 53 kilometro.

Kaugnay nito, nasa 26.15% na ang nalilinis sa right-of-way para sa NSCR Phase 2 na target matapos ang proyekto sa taong 2023. 

Nagkakahalaga ang proyektong ito ng 211 bilyong piso na pinagtutulungang pondohan ng Asian Development Bank at JICA. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews