Agarang ipinag-utos ni Gobernador Daniel Fernando ang temporary lockdown sa kapitolyo ng Bulacan sa loob ng isang linggo matapos magpositibo sa COVID-19 ang tatlo nitong empleyado.
Magsasagawa din ng disinfection sa naturang gusali ng nasabing Kapitolyo.
Ang shut down order sa nasabing gusali ay epektibo mula sa araw ng Lunes, Agosto 10-14, 2020 para makapagsagawa ng disinfection ng main building matapos magpositibo sa COVID-19 ang tatlong empleyado rito.
Ayon kay Fernando, naka-isolate na ang nasabing mga empleyado at patuloy ang ginagawang mahigpit na contact tracing sa kanilang mga nakasalamuha.
“Ang temporary closure ay isasagawa para sa proteksyon ng mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan at ng publiko na regular na nagtutungo sa Kapitolyo para sa mahahalagang serbisyo at transaksyon,” sabi ng gobernador.
Mananatiling bukas ang lahat ng tanggapan ng Kapitolyo maliban sa mga tanggapan sa main building na pansamantalang ililipat sa Hiyas ng Bulacan Convention Center para sa pagpapatuloy ng serbisyo publiko.
“Alternating lockdown” sa Pandi
Isinailalim rin simula kahapon (Linggo) ng Pamahalaang Lokal ng Pandi, Bulacan sa isang araw na lockdown sa buong bayang nabanggit upang bigyan daan ang ipinatutupad na “alternating lockdown” para sa isinasagawang disinfection sa nasabing bayan.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, regular na isasagawa sa bayan ng Pandi ang alternating lockdown kung saan mayroong kaniya-kaniyang araw hindi pahihintulutan lumabas ang mga residente mula sa 22 barangay dito.
Sinabi ni Roque na may nakatalagang araw lamang ang mga residente papayagan lumabas upang makapamili maliban lamang sa mga nagta-trabaho na uubra at pahihintulutan din makalabas araw-araw.
Walang “Total Lockdown” sa SJDM, Bulacan
Samantala, muling nilinaw ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte sa publiko partikular na sa mga residente rito na walang total lockdown na ipatutupad sa siyudad.
Ayon kay City Information Officer Ronald Soriano, simula Agosto 10 hanggang Agosto 18, 2020, magsasagawa lamang ng mahigpit na monitoring sa mga papasok at lalabas sa lungsod.
Taliwas ito sa maling impormasyon na inilabas ng isang national tabloid (hindi sa SAKSI Ngayon) na magkakaroon ng pitong araw na total lockdown.
Base sa ipinalabas na paglilinaw, pinapayuhan ang mga nagtatrabaho sa NCR at sa mga bayan na may mataas na kaso ng COVID-19 na makipag-ugnayan sa kanilang employers para sa kanilang temporary accommodation habang umiiral ang MECQ.
Ito ay dahil sa malaking porsiyente ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa CSJDM ay may travel history o nagtatrabaho sa NCR.
Pinapayagan naman na makapasok at makalabas sa lungsod ang mga nagtatrabaho sa lalawigan ng Bulacan o sa mga lugar na may mas mababang kaso, may mga Medical Emergency/Appointments sa labas ng lungsod, Medical Doctors, mga 4-wheel o mga truck na delivery vehicles ng essential goods, at mga returning/ outbound OFWs, ayon kay Soriano.
Nabatid na nakapagtala ang buong lalawigan ng Bulacan ng 1,699 na kaso ng Covid-19 kung saan 1,047 ang active cases, 600 ang recoveries at 52 ang nasawi.