Public School of the Future in Technology Act, suportado ni Rep. Roman

Ilang buwan bago ang opisyal na pasukan sa Oktubre 5 ng kasalukuyang taon ay nagpapatuloy ang maraming paghahanda ng mga concerned agencies, pribadong sektor, kasama ang mga local government units sa buong bansa.

Kaugnay nito ay naging bahagi si Bataan 1st District Representative Geraldine B. Roman sa isang Zoom meeting ng House Committee on Basic Education and Culture on school modernization, flexible learning in the basic education curriculum, at kasama ring natalakay ang “Public School of the Future in Technology Act.”

“Isa po ako sa mga nagsusulong ng Public School of the Future in Technology (PSOFT) Act na tutugon sa mga pagsubok na kinakaharap ng sektor ng edukasyon ngayong panahon ng pandemya,” pahayag ni Congresswoman Roman.

Ayon pa kay Roman, ilan sa mga ito ay ang pagsiguro na mayroong internet connectivity ang mga public schools, pagpapabuti ng mga alternatibong paraan ng pag-aaral at pagtatatag ng online learning portals para sa mga mag-aaral. 

Nakapaloob rin sa PSOFT Act, dagdag pa ng mambabatas, ay ang kanyang panukalang batas na House Bill 514 o ang “Philippine Online Library Act.”

Layon ng HB 514 na lahat ng kailangang libro sa pag-aaral ng mga bata ay maging available online at pwedeng ring mai-download for offline use. 

“Sana maging batas na ito sa lalong madaling panahon para makatulong sa new normal ng milyon-milyong mag-aaral at ng ating education system,” sambit pa ni Rep. Roman sa kanyang Facebook Page post.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews