Mga taga-SJDM na nagtatrabaho sa NCR, di muna pwedeng umuwi

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE —  Mananatiling hindi muna pwedeng umuwi sa lungsod ng San Jose Del Monte ang mga residente na nagtatrabaho sa Metro Manila.

Iyan ang binigyang diin ni Mayor Arthur Robes sa ginanap na pagbisita ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic o CODE team ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ipinaliwanag niya na 48 porsyento ng mga nagkaroon ng COVID-19 na taga-San Jose Del Monte ay pawang mga nagtatrabaho sa Metro Manila. Nakapaghawa ito ng 37 porsyento sa kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Kaya naman pinayuhan ni Robes ang mga manggagawang ito na desisyunan kung mananatili sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan sa Metro Manila o manatili na lamang sa kani-kanilang mga tirahan sa San Jose Del Monte. 

Ang lungsod na ito ay may dalawang boundaries sa Metro Manila. Nasa timog-silangan nito ang Quezon City at sa timog kanluran naman ang Caloocan north.

Mas pinahigpit ang pagpapatupad ng mga checkpoints sa mga hangganan ng San Jose Del Monte partikular na sa Quirino Highway. Ito ang nag-uugnay sa lungsod at sa Quezon City habang ang mga city roads ay nakakabit sa Caloocan.

Bukod sa mahigpit na lockdown sa mga San Josenyo na nagtatrabaho sa Metro Manila, pinaigting din ng pamahalaang lungsod ang pagpapatupad ng Zoning Containment Strategy sa mga barangay na may pinakamararaming mga kaso ng COVID-19. 

Kabilang dito ang mga barangay ng Muzon, Graceville at Gaya-gaya. Ito ay alinsunod sa pambansang istratehiya na Prevent, Detect, Isolate, Treat at Reintegrate.

Kaugnay nito, kinatigan naman ng bumibistang miyembro ng CODE team ang pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte ang inisyatibo na mas pinahigpit na lockdown. 

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje na malaking tulong ang ganitong pamamaraan ng pagla-lockdown upang matiyak talaga na hindi na lalong madagdagan pa ang nagkakaroon ng COVID-19 sa lungsod.

Pinayuhan naman niya ang pamahalaang lungsod na dapat ding tiyakin kung may maayos na natutuluyan ang mga manggagawang taga-San Jose Del Monte na sa Metro Manila nagtatrabaho at ngayo’y pinapipirmi doon. 

Gayundin naman, ang pagtitiyak na may naipadadalang pera para sa mga pamilyang pansamantalang naiwanan sa lungsod. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews