DepEd Cabanatuan prayoridad ang kaligtasan ng estudyante, guro

LUNGSOD NG CABANATUAN — Prayoridad ng Department of Education Cabanatuan City ang kaligtasan ng mga estudyante at guro sa pagsisimula ng School Year 2020-2021.

Ayon kay Cabanatuan Schools Division Superintendent Teresa Mababa, ginagawa nila ang lahat ng mga pag-iingat upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante para sa mga ipatutupad na pamamaraan ng pag-aaral. 

Nagpapasalamat din aniya ang kagawaran sa pakikiisa ng mga nasasakupang kababayan sa panawagang ipagpatuloy ang edukasyon ng mga kabataan kahit nasa gitna ng pandemya.

Iniulat din ni Mababa na sa kasalukuyan ay kumpleto na ang printed modules para sa unang tatlong linggo ng eskwela sa lahat ng paaralang elementarya sa siyudad.

Aniya, noong hindi pa naaanunsyo ang kanselasyon ng klase ngayong Agosto ay puspusan sa pag-iimprenta ng mga module ang mga guro upang masiguro na mayroong magagamit sa pasukan ang mga estudyante. 

Nagkaroon din ng dry run ang lahat ng mga nasasakupang paaralan hinggil sa iba’t ibang ipaiiral na learning modalities gayundin ay makita ang mga dapat pang isaayos.  

Kaugnay nito ay isinagawa ang clustering sa paghahanay ng mga estudyante sa kada klase o section upang mapagsama-sama ang mga magkakalapit lamang ng tirahan. 

Dagdag na pahayag ni Mababa, mismong mga guro na din ang bumuo ng pamamaraan kung paano ma-momonitor ang ipatutupad na learning modalities.

Batay sa datos ng tanggapan ay nasa 65 porsyento ng mga nakapagpatala na mag-aaral sa siyudad ang pumili ng modular learning kaysa online, television at radio instructions.

Ayon kay Mababa, nasa 56,865 mag-aaral sa lungsod ang nakapagpatala na para sa pasukan na kung saan 1,596 rito ay mga galing sa pribadong paaralan. 

Mayroon naman aniyang natitirang 255 estudyante ng mga pampublikong paaralan ang hindi naka-enrol ngayong taon mula sa talaan noong nakaraang school year. 

Paliwanag ni Mababa, malayo ito kung ihahambing sa 7,927 bilang ng mga mag-aaral mula sa pribadong eskwelahan na hindi pa naka-enrol na sa kasalukuyan ay 53.9 porsyento o 10,975 pa lamang ang nakapagpatala para ngayong pasukan kumpara sa nakaraang taon na may bilang na 20,362.  

Buo din aniya ang suporta at pag-alalay ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan sa pamamagitan ng Local School Board na naglaan ng printing machine sa bawat paaralan gayundin ng mga kailangan pang mga kagamitan tulad ng video camera, laptop para sa paggawa ng mga learning materials. 

Nakipag-ugnayan na din ang pamahalaang lungsod sa internet provider sa siyudad upang mapalakas ang internet connection sa mga purok sa barangay para madaling makakuha ng module ang mga estudyante.  

Sasagutin din ng pamahalaang lungsod ang rapid testing para sa lahat ng mga guro at kawani ng Schools Division Office bago magsimula ang klase.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews